top of page
Search
BULGAR

Grabeng trapik, mga sasakyan tumirik.. SLEX, lubog sa baha

ni Mai Ancheta @News | July 14, 2023




Naperwisyo ang maraming motorista dahil sa naranasang matinding trapik malapit sa Bicutan exit ng South Luzon Expressway dahil sa hanggang binting taas ng baha.

Miyerkules pa lamang ng gabi ay nakaranas na ng matinding trapik ang mga motorista dahil sa sirang drainage na sinabayan ng walang tigil na pag-ulan hanggang nitong Huwebes.


May mga sasakyan na tumirik dahil sa mataas na baha at ang mabagal na pag-usad ng mga sasakyan ay umabot hanggang sa Southwoods Exit, Alabang Exit at Skyway exit.


Pasado ala-1 naman ng hapon nitong Huwebes ay bumper-to-bumper din ang trapik sa bahagi ng Magallanes at Osmeña highway kaya maraming motorista ang hindi nakarating sa kanilang destinasyon sa takdang oras.


Ayon sa Toll Regulatory Board (TRB), isang drainage outlet ang nasira sa bahagi ng Bicutan noon pang Pebrero habang nagsasagawa ng expansion ang isang mall at hanggang ngayon ay hindi pa ito nakukumpuni.


Dahil bumuhos ang malakas na ulan nitong Miyerkules at Huwebes, nagdulot ito ng matinding pagbaha na namerhuwisyo sa maraming motorista.


Nagtutulungan ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Skyway sa pag-pump ng tubig upang bumaba ang baha sa lugar.


Nakipag-ugnayan na ang Skyway Corporation sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang stakeholders upang malutas ang problema sa pagbaha sa bahagi ng SLEX.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page