namanhid ang mga kamay at na-intubate bago namatay sa bakuna.
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 02, 2021
Napakahalaga ng mga anak para sa kanilang mga magulang. Sila ang inaasahang magdurugtong sa naiwang gawain ng huli at magpapatuloy ng kanilang angkan sa bago at darating pang henerasyon. Sila rin ang inaasahang gabay ng kanilang mga magulang sa pagtanda, ngunit higit sa mga responsibilidad na iniaasa sa mga anak at pag-asang ibinibigay nila sa kanilang mga magulang, ang kasiyahan at pagmamahal ang namumukod sa mga ito. Sa mag-asawang isa lamang ang anak, higit nilang ramdam ang halaga ng kanilang supling, kaya naman sa kanila na nawalan ng kaisa-isa nilang mutya at yaman, wala nang kasing sakit pa ang naganap na trahedyang ito. Ganito ang nangyari kina G. Jayson at Gng. Geraldine Espinilla ng Oriental Mindoro. Anila, “Napakasakit para sa amin ng biglang pagpanaw ni Jericho, lalo na at siya ay nag-iisa naming anak.”
Si Jericho P. Espinilla ay 12-anyos nang namatay noong Hulyo 9, 2018. Siya ang ika-70 sa mga naturukan ng Dengvaxia, na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Jericho ay dalawang beses nabakunahan ng Dengvaxia sa kanyang paaralan sa Laguna. Una siyang nabakunahan noong June 27, 2016 at sumunod noong Disyembre 8, 2016.
Noong Hulyo 2, 2018 ng umaga, pumasok pa sa paaralan si Jericho, subalit hindi na siya nakapasok ng hapon nang magreklamo siyang masakit ang kanyang lalamunan at namamanhid ang kanyang mga kamay, bandang tanghali ng araw na ‘yun. Masakit diumano ang kanyang lalamunan tuwing lumulunok siya kaya pati pag-inom ng tubig ay hindi niya magawa. Kinabukasan, dinala si Jericho sa isang health center sa Laguna. Sinabi ng doktor na namamaga ang tonsils ni Jericho, kaya siya ay niresetahan ng amoxicillin. Dahil hindi niya mainom ang gamot dahil sa sakit ng kanyang lalamunan, pinatingnan siya ng kanyang mga magulang sa isang clinic sa lugar nila, alas-11:00 ng umaga. Muli siyang niresetahan ng doktor ng antibiotic, subalit hindi pa rin niya nainom ang gamot dahil pa rin sa kanyang lalamunan. Ayon sa doktor, namamaga ang kanyang tonsils. Ni-nebulize rin si Jericho dahil hirap siyang huminga.
Bandang alas-12:30 ng tanghali, dinala siya sa isang community hospital sa Laguna dahil pahina siya nang pahina. Agad siyang kinabitan ng dextrose at oxygen sa nasabing ospital. Hindi na siya makapagsalita nang maayos at hindi niya maigalaw ang kanyang mga kamay. Matapos malaman na si Jericho ay naturukan ng Dengvaxia, sinabihan ang kanyang mga magulang na kailangan siyang ilipat sa isang ospital na may Pedia-ICU. Siya ay inilipat sa isang medical center sa Batangas City at agad na in-admit sa Pedia- ICU. Mas lumala ang kalagayan niya. Hindi na niya maigalaw nang maayos ang kanyang mga paa at hindi na siya makatayo. Sa mga sumunod na araw, hindi pa rin bumuti ang kanyang kalagayan. Sa tuwing sina-suction siya ay may mga plema siyang nailalabas.
Pagdating ng Hulyo 5 hanggang 8, 2018, naging kritikal ang kalagayan ni Jericho at ito ay humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang mga kaugnay na detalye:
Hulyo 5, 2018, alas-3:00 ng hapon - Nawalan ng malay si Jericho. Nag-agaw buhay siya kaya siya ay in-intubate. May sinat na rin siya. Dahil naging kumplikado at kritikal ang kanyang kalagayan, isinailalim siya sa x-ray at CT scan. Patuloy ang paghina ni Jericho sa mga sumunod na araw.
Hulyo 7, 2018 - Sinubukan siyang pakainin gamit ang NGT, subalit hindi natutunaw ang mga ipinapakain sa kanya.
Hulyo 8, 2018, alas-5:00 ng hapon - Natulog si Jericho, mula noon ay hindi na siya nagising at hindi na bumuti ang kalagayan niya.
Hulyo 9, 2018, alas-9:30 ng gabi - Tuluyan nang pumanaw si Jericho. Anang kanyang mga magulang, “Ayon sa kanyang Certificate of Death, siya ay namatay dahil sa “Septic Shock” (Immediate Cause), “Nosocomial Pneumonia” (Antecedent Cause), “to consider diphtheria” (Underlying Cause).” Gayunman, nasabi nina G. at Gng. Espinilla ang sumusunod:
“Bago maturukan ng nasabing bakuna si Jericho, ay isa siyang malusog at masiglang bata. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng malubhang sakit. Hindi rin siya naospital mula pagkabata bukod nitong biglaan siyang nagkasakit na humantong sa kanyang maagang paglisan. Mula noong maturukan siya ng Dengvaxia, nagbago ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Nakapagtataka na matapos niyang mabakunahan ay bigla na lamang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang Dengvaxia na itinurok sa aming anak ay makapagbibigay -proteksiyon sa kanya.”
Ang trahedyang nangyari sa kanilang anak ay inilapit nina G. at Gng. Espinilla sa aming Tanggapan, hiniling nila ang tulong legal ng PAO at forensic services ng PAO Forensic Team. Kasama na ngayon sa mga kasong aming ipinaglalaban ang kaso ni Jericho. Katarungan para sa pinakamamahal na kaisa-isa nilang anak ang dasal sa tuwina ng naiwanang mga magulang ni Jericho. Patuloy na pagkilos sa legal na pamamaraan at panalangin ang siya namang handog namin kay Jericho hanggang sa dulo ng laban upang makamit ang katarungan.
Comments