top of page
Search
BULGAR

Govt. offc'ls. na 'di frontliner, nagpabakuna, yari sa DOH


ni Mary Gutierrez Almirañez | March 4, 2021



Iimbestigahan ng Department of Health (DOH) ang mga nabakunahan ng Sinovac COVID-19 vaccine kahapon, Marso 3, na hindi prayoridad sa isinasagawang rollout ng pamahalaan.


Kabilang sa mga nagpaturok na wala sa prayoridad ay sina DILG Under Secretary Jonathan Malaya, MMDA Chief of Staff Michael Salalima, Pasay City Vice Mayor Boyet Del Rosario at Manila Vice Mayor Honey Lacuna.




Ayon pa kay DOH Secretary Francisco Duque III, "Aalamin natin, papa-investigate natin. 'Yun ang gagawin natin to find out kasi nga lagi ko namang sinasabi na ang bakuna nga natin, para sa healthcare workers. Kinakailangang 3.4 million doses, eh, 600,000 lang ‘yung dumating. So, 17% lang. So, kulang."


Iginiit naman ni DILG Under Secretary Jonathan Malaya na frontliner din naman siya. Sinabihan umano siya ng mga doktor sa Pasay City General Hospital na magpabakuna kaya kaagad siyang sumang-ayon para maging ehemplo at mahikayat ang publiko na huwag matakot sa bakuna.


Matatandaang gusto rin sanang magpabakuna ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ngunit tinanggihan siyang bakunahan ng mga doktor sapagkat hindi siya frontliner at wala siya sa listahan ng mga prayoridad. Gayundin ang nangyari kay Spokesperson Harry Roque noong ninais niyang magpabakuna ngunit tinanggihan siyang bakunahan ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG).


Bukod sa mga healthcare workers na top priority ay pinapayagan din ng DOH na mabakunahan ang tatlo nilang benepisyaryo na nasa listahan. Katulad ni Quezon Province Representative Helen Tan na beneficiary ng anak niyang doktor sa Veterans Memorial Medical Center.


Maliban sa kanila, tatlong opisyal ng pamahalaan lamang ang pinayagan ni Pangulong Duterte na magpabakuna kabilang sina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., NTF Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon at MMDA Chairman Benhur Abalos para mapaigting ang kumpiyansa ng publiko. Kaugnay nito, gusto ng Malacañang na may maparusahan sa mga lumabag.


Recent Posts

See All

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page