ni Mary Gutierrez Almirañez | March 9, 2021
Inihayag ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang ilang hakbang ng pamahalaan kontra COVID-19 at ang paglago ng ekonomiya sa ginanap na Pandesal forum kaninang umaga, Marso 9, sa Kamuning Bakery sa pangunguna ni Secretary Karlo Nograles.
Aniya, libre ang bakuna at ginagawa ng gobyerno ang lahat ng paraan para mapadali ang pagdating ng mga ito upang masolusyunan ang lumalaganap na pandemya.
Kasabay nito, iginiit din niyang magtutuluy-tuloy na ang paglago ng ekonomiya sa mga susunod na buwan ngayong naumpisahan na ang pagbabakuna.
Samantala, aniya, sa ikatlong quarter pa ng taon posibleng mabakunahan ang mga kawani ng gobyerno, school workers, eligible students, social demography groups, indigenous people, PWD at OFWs sapagkat prayoridad pa rin hanggang sa Hunyo ang mga frontliners.
Kaugnay nito, hinihikayat din nila ang mga business owner na alagaan ang mga empleyado. Sa paraang ito anila, makakatulong ang mga negosyante sa ekonomiya.
Sa pagtatapos ng Marso ay sisimulan na rin ng pamahalaan ang usapin tungkol sa panibagong quarantine classifications para sa pagpasok ng Abril.
Comments