@Buti na lang may SSS | May 26, 2024
Dear SSS,
Magandang araw. Ako ay isang contract of service worker sa isang government agency dito sa Manila. Dahil sa status ng aking employment ay hindi ako qualified na maging GSIS member. Kaya nais kong malaman kung maaari ko bang ipagpatuloy ang paghuhulog sa SSS? Salamat. — Johnny
Mabuting araw sa iyo, Johnny!
Malugod naming ipinaaalam sa iyo na maaari mong ipagpatuloy ang pagiging miyembro ng SSS bilang self-employed.
Ang kinakailangan lang ay magkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) ang iyong pinaglilingkurang government agency at ang SSS sa ilalim ng KaSSSangga Collect Program o ang dating tinatawag na KaltaSSS-Collect Program.
Sa ilalim ng MOA na ito, ang mga job order at contract of service worker na naglilingkod sa national government agencies, local government units (LGUs) at iba pang government institutions ay mabibigyan ng social security coverage mula sa SSS. Ang mga nabanggit na mga manggagawa ay isasaklaw bilang self-employed members ng SSS.
Samantala, ang kanilang pinaglilingkurang tanggapan ng pamahalaan at LGU ay magsisilbing Coverage at Collection Partner ng SSS. Bibigyan sila ng SSS ng authority na mangolekta at mag-remit ng buwanang kontribusyon ng kanilang mga job order at contract of service workers sa pamamagitan ng isang salary-deduction scheme.
Layunin ng KaSSSangga Collect Program na masiguro ang kinabukasan ng lahat ng job order at contract of service worker na naglilingkod sa mga ahensya ng pamahalaan sa buong bansa. Bagama’t ang mga empleyadong ito ay nagtatrabaho sa mga tanggapan ng gobyerno, sila ay itinuturing na mga pribadong self-employed na miyembro at hindi nasasakop ng Government Service Insurance System (GSIS). Kaya, wala silang social security coverage.
Bilang self-employed member ng SSS, sila ay maaaring makatanggap ng social security benefits gaya ng sickness, maternity, disability, retirement, funeral at death benefits. Makakakuha rin sila ng karagdagang coverage mula sa Employees’ Compensation Program (ECP) para sa mga contingency na may kaugnayan sa kanilang pagtatrabaho. Bukod dito, maaari rin silang mag-apply sa iba’t ibang member loans na ipinagkakaloob ng SSS tulad ng salary at calamity loans.
Sa kasalukuyan, ang SSS contribution rate ay 14% ng monthly salary credit na hindi hihigit sa P30,000. Maaari mo namang ibatay, Johnny, ang halaga ng iyong magiging buwanang kontribusyon sa monthly salary credit o ang salary level kung saan nakabase ang iyong buwanang kita na idineklara mo sa registration form o SS Form E-1 (Personal Record).
Ang Schedule of Contributions ay makikita sa SSS website, www.sss.gov.ph o kaya’y sa Facebook page nito sa Philippine Social Security System. Kaugnay nito, ang buwanang kontribusyon ng self-employed ay maaaring tumaas o bumaba batay sa iyong aktuwal na kinikita.
Halimbawa, Johnny, ang idineklara mong buwanang kita sa registration form ay P10,200. Batay sa Schedule of Contributions, ito ay katumbas sa P10,000 monthly salary credit at may kaukulang SSS contribution na P1,400 kada buwan at P10 naman kada buwan ang para sa iyong Employee’s Compensation (EC) contributions na may kabuuang halaga kontribusyon na P1,410 kada buwan.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
Commenti