ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | March 13, 2021

KATANUNGAN
Ako ay nagtataglay ng straight Head Line sa aking mga palad kung saan ang sabi n’yo sa inyong mga artikulo, kapag tuwid ang Head Line, ito ay tanda na yayaman. Pero ang ipinagtataka ko ay kung paano ako yayaman, samantalang pangkaraniwang empleyado ako ng gobyerno na may pangkaraniwan ding suweldo?
Kaya ngayon, balak ko nang mag-resign sa aking trabaho at magtayo ng negosyo. Baka wala kasi sa pamamasukan ang pagyaman ko kundi sa pagnenegosyo, ano ang masasabi n’yo?
Ang isa ko pang napansin sa aking palad, parang huminto ang Fate Line ko. Ibig sabihin ba nito ay mawawalan ako ng hanapbuhay o trabaho tulad ng nabasa ko sa mga artikulo n’yo? Sana ay pakianalisa ang aking palad kung ano ang mangyayari sa aking kapalaran, lalo na sa aking future?
KASAGUTAN
Tama ka, Ardy, kapansin-pansing straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) ang guhit ng isip sa kaliwa at kanan mong palad, na sinabayan ng paghinto ng Fate Line o Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa parehong palad. Ito ay malinaw na tanda na hindi magtatagal, sa ayaw at sa gusto mo, planado man o hindi, bigla kang masisisante sa iyong trabaho at ang pagkawala ng hanapbuhay na ito ang magtutulak o magsisilbing simula upang magbago ang tinatahak na linya ng iyong career.
Mula sa dating pangkaraniwang manggagawa o trabahador sa isang ahensiya ng gobyerno — ang luminaw, kumapal at humabang Business Line o Guhit ng Negosyo (Drawing A. at B. N-N arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nagpapahiwatig at kumumpirma na ang siguradong mangyayari sa kapalaran mo ay “change of career” o pagbabago ng linya. Ibig sabihin, kung noon ay sumusuweldo ka tuwing sasapit ang akinse at katapusan at matapos kumubra ng suweldo ay ubos agad ang pera dahil sa mga utang, sa bagong linya ng hanapbuhay, iba na ang magaganap — bukod sa wala ka nang amo, ang tubo o balik ng iyong puhunan ay matatanggap mo na araw-araw.
Sa sandaling pinaikot mo nang pinaikot ang nasabing balik-tubo sa araw-araw, mabilis na lalago ang papasukin mong negosyo. Kung saan, ayon sa birth date mong 24 o 6 (2+4=6) na may ruling planet na Venus, ang numero mong sais (6) ay nagsasabing may kaugnayan sa produktong pagkain ang kusa mong maiisipang simulan at sa negosyo ring ito, unti-unti kang uunlad hanggang sa tuluyang yumaman.
Sa panahong ‘yun, kapag nakikita mong umuunlad at lumalago na ang iyong negosyo, kusa na ring matutupad ang nais sabihin ng straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad— dahil sa pagiging praktikal, masinop sa kabuhayan, materyoso at pagmamahal sa salapi, uunlad nang uunlad ang iyong kabuhayan hanggang sa tuluyan ka nang yumaman.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Ardy, sa susunod na taong 2022, bigla kang mawawalan ng trabaho dahil sa politika. Ngunit kasabay nito, makakadiskubre ka ng kakaibang negosyo o produkto na may kaugnayan sa pagkain, at sa negosyong nabanggit, katuwang ang iyong may bahay na isang Libra, tiyak ang magaganap. Sa bagong source of income, unti-unting lalakas ang inyong negosyo at dahan-dahan na ring uunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa paglipas ng lima hanggang pitong taon pang singkad, sa 2027 hanggang 2031, sa edad mong 54 pataas, mararamdaman mong natutupad nang kusa ang “straight Head Line” sa kaliwa at kanan mong palad – payaman ka nang payaman at halos hindi mo namamalayan.
Comments