top of page
Search
BULGAR

Gov’t. agencies, pati LGUs, galaw-galaw sa paglaganap ng ASF

@Editorial | May 12, 2021



Nagdeklara na si Pangulong Rodrigo Duterte ng state of calamity sa buong bansa dahil sa African swine fever (ASF), na tatagal hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan.


Base sa Proclamation Number 1143, iiral ang state of calamity maliban na lamang kung babawiin na ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Kaugnay nito, inaatasan ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan pati na ang local government units (LGUs) na makipagtulungan para masigurong matutuldukan ang paglaganap ng ASF.


Dapat ding matiyak na sapat ang suplay ng karne sa mercado at maging stable ang presyo nito.

Kasabay nito ang pagkakaloob ng ayuda sa mga hograisers para makarekober sa ASF.


Ilang buwan nang umaaray ang ating mga kababayan na direktang apektado ng problema, kasabay din ang pagharap sa COVID-19 pandemic.


Marami ang tuluyan nang tumigil sa pag-aalaga ng baboy at sinikap na lang na magamit ang ayudang natanggap para magsimula ng ibang ikabubuhay.


Ngayong nagdeklara na ng state of calamity kaugnay ng ASF, umaasa tayo na magiging mas mabilis at malawak pa ang pagtulong ng gobyerno.


Ito rin sana ang maging daan upang mas matutukan ang problema. Batid naman natin na nariyan na ang ASF, ang kailangan naman ay matukoy kung paano ito mapipigilan, ano’ng gamot ang kailangan at anu-anong mga panuntunan ang dapat na ipatupad upang hindi na ito kumalat.


At sa lahat ng nangyayari ngayon sa bansa, sana naman ay tigilan na muna ang pagdagdag sa problema, manahimik muna ang mga pasaway sa pandemic, ang mga pulitiko na walang tigil sa bangayan. Unahin natin ang kapakanan ng bayan at huwag ang sariling isyu na wala namang pakinabang sa lipunan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page