ni Lolet Abania | August 4, 2021
Posibleng lumakas pa ang Tropical Depression Gorio at maging isang ganap na tropical storm sa susunod na 12 oras subali't hindi direktang makakaapekto ito sa lagay ng panahon sa bansa, ayon sa PAGASA ngayong Miyerkules.
Wala namang inilabas na tropical cyclone wind signal (TCWS) ang PAGASA, base sa ipinakikitang track forecast nito sa mga lugar sa bansa. Sa 11:00AM bulletin ng PAGASA, ang Southwest Monsoon o Habagat ay magdudulot ng bahagya hanggang sa malakas na pagbuhos ng ulan sa buong Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at ibang bahagi ng western section ng Central at Southern Luzon.
Ayon sa PAGASA, ang TD Gorio ay posibleng lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Huwebes nang umaga. Nabuo ang TD Gorio mula sa isang Low Pressure Area (LPA) sa bahagi ng Philippine Sea nang alas-8:00 ng umaga ngayong Miyerkules at batay sa forecast track ng PAGASA, patuloy itong kumikilos ng silangan hilagang-silangan sa susunod na 12 oras habang patungong hilaga bahaging hilagang-silangan sa Huwebes nang umaga.
Batay sa datos ng ahensiya, alas-10:00 ng umaga ngayong Miyerkules, ang sentro ng Gorio ay tinatayang nasa 730 km hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes, na may maximum sustained winds ng 45 km/h malapit sa sentro, may pabugsu-bugsong hangin na aabot sa 55 km/h, at central pressure ng 998 hPa. Kumikilos si Gorio sa silangan hilagang-silangan ng 20 km/h, na may malakas na bugso ng hangin o mas mataas pa na aabot ng 300 km mula sa sentro nito.
Comments