top of page
Search
BULGAR

Gora na sa makabagong testing technology at magpabakuna laban sa virus na deadly!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon |December 01, 2021



May mass vaccination na! Inaasahan nating lahat ay magpapabakuna na plis lang! Harinawa!


Aba, 70% ng mga Pinoy ang target na mabakunahan bago matapos ang taong ito!


At sa ngayo’y nasa 40 milyon pa lang ang fully vaccinated o 36% ng tinatayang nasa 111 milyong Pilipino at aminin man natin sa hindi, mahihirapan tayong makamit ang nasabing target na herd immunity ngayong 2021.


Unang-una, dahil sa pag-aatubili o hesitancy ng karamihan na magpabakuna dahil sa takot sa adverse effects; ikalawa, problema sa paghahatid ng bakuna sa malalayo at bulubunduking probinsiya; ikatlo, ang kawalan ng imbakan ng mga bakuna; ikaapat, ang lumolobong kakapusan ng mga hiringgilya sa buong mundo.


Bagama’t, hindi natin inaalis na mula sa pinakamataas na 26,000 kada araw na nagka-COVID noong Setyembre hanggang sa isanlibo na lang at pababa pa ang impeksiyon, hindi tayo dapat maging kampante kahit pa lumuluwag na ang mga community quarantine at ating ekonomiya!


Bakit?


Bukod sa Delta variants, may panibagong variant na tinawag na Omicron na unang natukoy sa South Africa. Naghahanda na ang mga health expert sa senaryo na maging ang kasalukuyang mga bakuna ay maaaring hindi ganun ka-epektibo laban dito, na talaga namang nakakatakot!


Ngayong malapit na ang Pasko, baka dahil sa sobrang saya ng selebrasyon ay malimutan ang social distancing at iba pang health protocols, ‘wag naman, pagod na tayo sa lockdown!


Sa harap nito, para sa atin ay hindi sapat ang mass vaccination lang kundi makailang beses na nating sinabi na IMEEsolusyon na paigtingin pa ng massive COVID-testing para maagap na matukoy ang mga infected at maagap silang maihiwalay.


Dapat samantalahin na ng gobyerno at pribadong sektor ang alok ng World Health Organization na makabagong blood testing technology! Libre ang lisensiya sa pagpapagawa niyan na swak na IMEEsolusyon sa hindi patas na pamamahagi ng mga bakuna sa buong mundo, lalo na sa mas mahihirap na bansang tulad natin. Eh, bukod d’yan user-friendly o madali pang gamitin sa mga probinsiya. Hindi kailangan ng komplikadong equipment pang-laboratoryo.


May kasunduan na wala nang babayaran ang mga naghihirap na bansang kukuha ng lisensiya sa nasabing teknolohiya at tuturuan pa sila kung paano ito gamitin. Bongga, ‘di ba?!


Seryosohin natin ang paglaban sa pandemya at puspusan na, para hindi malusutan ng Omicron.


Gora na sa alok na makabagong testing technology at magpabakuna na laban sa virus na deadly!


Agree?


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page