ni Angela Fernando - Trainee @News | April 2, 2024
Magbubura ang Google ng bilyun-bilyong talaan ng data bilang bahagi ng pag-aayos para sa isang demanda sa ‘Incognito’ feature kung saan inakusahan ang tech giant ng hindi wastong pagsubaybay sa pag-browse sa web ng mga user na dapat sana'y pribado.
Ang kaso ay orihinal na isinampa nu'ng 2020 na kumaladkad sa kumpanya dahil sa maling pagpapakita ng kinokolekta nitong data mula sa mga user na nag-browse sa internet sa pamamagitan ng private browsing mode sa Chrome.
Sumang-ayon ang Google na ayusin ang kaso nu'ng 2023, ngunit ang mga tuntunin ng pag-aayos ay unang ibinulgar sa isang pagsusumite nu'ng Abril 1.
Ang mga aksyon ng kanilang pagsasaayos ay nakapaloob sa dokumento ng Korte na isinumite nu'ng Lunes sa pederal na Korte ng San Francisco.
Papalitan din ng Google ang kanilang pahayag upang ipaalam sa mga user kung anong data ang kinokolekta nito sa bawat pagpasok ng isang user sa isang pribadong sesyon ng pag-browse.
Samantala, sa susunod na limang taon, papayagan ng Google ang mga user ng Incognito na i-block ang third-party cookies bilang bahagi ng pag-aayos.
Comments