by Info @Editorial | Feb. 11, 2025
![Editorial](https://static.wixstatic.com/media/7c92fa_9e76a417c76a4f50b8398eb7cea0d1e2~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/7c92fa_9e76a417c76a4f50b8398eb7cea0d1e2~mv2.jpg)
Matatapos na ang maliligayang araw ng mga abusado at walang konsensyang nagbebenta at gumagamit ng pekeng Persons with Disability (PWD) identification card.
Ito ay matapos ianunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na target ng ahensya na ipatupad sa katapusan ng taon ang unified ID system o pinag-isang PWD ID.
Ang hakbang na ito ay layuning labanan ang problema sa pekeng PWD IDs na ginagamit upang makakuha ng hindi awtorisadong diskwento sa mga restaurant at iba pang negosyo.
Una nang binatikos ng Restaurant Owners of the Philippines ang “malawakang pang-aabuso” sa pekeng PWD IDs, na nagdudulot ng matinding pressure sa mga establisimyento.
Matatandaang noong Disyembre 2024, nagbigay na ng babala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa pagbebenta at paggamit ng mga pekeng PWD IDs, at ayon sa isang mambabatas, umabot sa P88.2 bilyon ang nawawalang buwis ng gobyerno noong 2023 dahil sa pamemeke ng PWD IDs.
Sa kasalukuyan, magkakaiba ang hitsura ng PWD IDs depende sa pag-issue ng mga local government unit (LGU).
Sa ilalim ng bagong sistema, magkakaroon na ng isang standard na disenyo upang maiwasan ang pandaraya. Magkakaroon din ng mga security feature, tulad ng Radio Frequency Identification (RFID) technology. May web portal din na magpapahintulot sa mga establisimyento na i-verify ang pagiging lehitimo ng PWD ID ng isang tao.
Sa ilalim ng Republic Act 10754, ang mga PWD ay may karapatang makapag-avail ng 20% discount at VAT exemption sa mga partikular na produkto at serbisyo.
Comments