ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | July 7, 2022
Batas na sa wakas ang panukalang bigyan ng dagdag na benepisyo ang mga solo parents sa bansa.
Noong June 4 ay lumipas ang 30-day period para pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Expanded Solo Parents Welfare bill, kaya automatic itong naging batas.
Nilalayon ng Republic Act (RA) No. 11861 na amyendahan ang mga probisyon ng RA 8972 (Solo Parents Welfare Act) na mapalawakan ang social protection measures para sa mga solo parent at kanilang anak.
☻☻☻
Komprehensibo ang mga benepisyong matatanggap ng solo parents sa ilalim ng bagong batas. Kasama na ang:
-Ayudang P1,000 kada buwan sa mga below-minimum-wage earners na hindi kabilang sa iba pang cash assistance program, na ibibigay ng lokal na pamahalaan;
-Para sa mga solo parent na hindi hihigit sa P250,000 ang taunang sahod, 10 percent discount at value-added tax exemption sa gatas ng sanggol, food at micronutrient supplements, diapers, mga gamot at medical supplies mula pagkaanak hanggang umabot ang bata ng 6 taong gulang;
-Parental leave na hindi lagpas ng 7 araw na dagdag sa iba pang leave privileges mula sa ibang batas na forfeitable at noncumulative. Ibibigay ang leave sa solo parent anuman ang employment status nito, basta empleyado siya ng hindi bababa sa anim na buwan;
-Inaatasan din ang Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magbigay ng scholarship grant sa mga qualified solo parents at full scholarship sa isang anak nito na 22 taong gulang pababa at dependent pa rin.
☻☻☻
Sa mga kumilos upang maging batas ang napakagandang adhikain na ito, congratulations at maraming salamat.
Umaasa tayong agaran ang implementasyon ng RA 11861 upang sa lalong madaling panahon ay matulungan nito ang mga solo parents.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments