ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Dec. 3, 2024
Magandang balita para sa ating mga senior high school (SHS) learners sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track: magpapatuloy sa susunod na taon ang libreng assessment para sa pagkakaroon ng national certification (NC).
Kung dating nagbabayad ang mga mag-aaral sa SHS-TVL track upang sumailalim sa assessment at makakuha ng NC, libre na ito ngayong taon at magpapatuloy hanggang sa susunod na taon. Huwag sanang palagpasin ng mga mag-aaral sa SHS-TVL ang pagkakataong ito na magkaroon ng NC na makakatulong sa kanilang makahanap ng magandang trabaho.
Ngayong taon, may P438.162 milyong nakalaan para sa libreng assessment at certification ng mga mag-aaral sa SHS-TVL. Isinulong natin ang paglalaan ng pondong ito upang dumami ang bilang ng mga mag-aaral na may NC.
Noong School Year 2019-2020, umabot lamang sa 25.7% ang mga mag-aaral sa SHS-TVL na may certification. Bumaba pa ito sa 6.8% noong School Year 2020-2021. Dahil walang NC ang karamihan sa mga mag-aaral sa SHS-TVL, nahihirapan ang karamihan sa kanilang makahanap ng mas magandang mga oportunidad.
Simula nitong Nobyembre 5, ang mga mag-aaral na sumailalim sa assessment na nakapasa at nakatanggap ng NC ay umabot sa 926 mula sa kabuuang 1,039. Target naman ng mga katuwang sa Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na umabot sa 197,077 ang bilang ng mga mag-aaral sa SHS-TVL na mayroong NC ngayong taon.
Suportado rin natin ang balak ng TESDA at DepEd na gawing mandatory para sa mga mag-aaral sa SHS-TVL na sumailalim sa assessment. Sa ganitong paraan, hindi lang natin magagamit nang husto ang inilaang pondo para sa libreng assessment. Matitiyak din nating mas maraming mag-aaral sa SHS-TVL ang magkakaroon ng NC. Hihintayin lang natin ang paglalabas ng joint memorandum circular upang ipatupad ang polisiyang ito.
Sa inaprubahang bersyon ng Senado ng 2025 national budget, P275.861 milyon ang nakalaan para sa pagpapatuloy ng libreng assessment at certification ng mga mag-aaral sa SHS-TVL.
Muli, hinihimok natin ang mga mag-aaral sa SHS-TVL na huwag palagpasin ang pagkakataong sumailalim sa libreng assessment. Kung makapasa sila, magkakaroon sila ng national certification na makakatulong sa kanilang makahanap ng magandang trabaho.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments