PARA SA OUTPATIENT HEMODIALYSIS
ni Fely Ng - @Bulgarific | July 13, 2021
Hello, Bulgarians! Pinalawig kamakailan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang binabayaran nito sa hemodialysis hanggang 144 sessions para sa 2021 upang makatulong sa maraming Pinoy na nangangailangan ng pagda-dialysis dahil sa malubhang sakit sa bato o end-stage renal disease.
Ayon sa PhilHealth Circular No. 2021-0009 na agad nagkabisa kasabay ng paglathala nito noong Hulyo 2, 2021, ang karagdagang coverage para sa ika-91 hanggang ika-144 sessions ay magagamit lamang para sa outpatient hemodialysis ng mga pasyenteng rehistrado sa PhilHealth Dialysis Database.
Dahil sa nasabing extension, aabot sa P374, 400 ang benepisyong maaaring makamtan ng pasyente para sa kanilang gamutan ngayong taon. Maaari ring magamit ng kanilang qualified dependents ang nasabing benepisyo.
Siniguro naman ng PhilHealth na maaaring mag-direct file sa kanila ang mga pasyenteng lumampas na sa 90-session limit at nagbayad nang buo para sa kanilang dialysis bago pa malathala ang extension na ito upang makakuha ng refund.
Nilinaw pa ng PhilHealth na maaaring maka-avail ang mga pasyente ng maximum na 144 sessions ngayong 2021 kung ang kanilang pagda-dialysis ay batay sa prescription ng kanilang doktor.
Maliban sa hemodialysis, nagbibigay din ang ahensiya ng ayudang nagkakahalagang P270,000 kada taon sa mga pasyenteng sumasailalim sa peritoneal dialysis. Mayroon din itong Z Benefits para sa kidney transplantation na nagkakahalagang P600, 000 para sa mga kuwalipikadong renal patients.
Maaaring tumawag sa PhilHealth Action Center (02) 8441-7442 o magpadala ng e-mail sa actioncenter@philhealth.gov.ph.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Comments