top of page
Search

Good news sa lahat ng pasahero ng MRT-3

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 2, 2025



Boses by Ryan Sison

Kung lahat ng rail transit lines sa bansa ay magpapatupad ng kani-kanilang taas-pasahe, siguradong magiging mabigat na pasanin ito sa mga komyuter. 


Kaya mabuti at nanindigan ang bagong itinalagang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) general manager na si Michael Jose Capati na walang dagdag na pamasahe anumang oras sa ngayon sa naturang rail transit line.


Habang naghahanda ang mga komyuter sa pagsagupa sa mas mataas na pamasahe sa Light Rail Transit Line (LRT-1) simula ngayong araw, Abril 2, kasunod ng pag-apruba ng isang revised fare matrix, tiniyak naman ni Capati na walang mangyayaring fare increase sa MRT-3. 


Sa isang radio interview, sinabi niyang walang nakalinya na taas-pasahe at wala silang plano o anumang bagay hinggil sa rate increase sa kasalukuyan. 


Kamakailan, ginawang ibalik si Capati bilang hepe ng MRT-3 matapos palitan si Oscar

Bongon, na inalis sa puwesto noong Marso, dahil sa nangyaring malfunction ng escalator sa istasyon ng Taft Avenue.


Nauna nang hinawakan ang parehong posisyon na ito ni Capati noong 2022, makaraang magsilbi bilang director for operations ng MRT-3 sa loob ng limang taon.


Nanumpa naman siya kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon noong Marso 31, nang italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Marso 26.


Ayon kay Capati, nais niyang mabawi ang tiwala ng mga pasahero ng MRT-3 matapos ang sunud-sunod na mga isyu sa transport system nitong mga nakaraang linggo.

Binigyang-diin niya na tinitingnan nila talaga ay ang maintenance dahil hindi nila nanaisin na maulit ang nangyaring insidente sa Taft Avenue. Matatandaang, nasa 10 pasahero ng MRT-3 ang nasugatan matapos na mag-malfunction ang escalator sa naturang istasyon. 


Maganda ang naisip ng pamunuan ng MRT-3 na hindi sa ngayon magpatupad ng fare increase sa kabila na nagtaas naman ang LRT-1.


Kailangan muna nilang ayusin o i-maintain ang kanilang mga escalator, elevator, mga pasilidad sa istasyon at iba hindi lamang dahil sa aksidenteng nangyari kundi dapat na pagandahin nila ang kanilang serbisyo para sa lahat ng pasahero nito.


Posible kasing marami sa mga pasahero ang nagdadalawang-isip nang sumakay sa kanilang mga tren at manatili sa kanilang istasyon. 


Kumbaga, paano magagawang magtaas ng pamasahe kung pangit at walang kuwenta naman ang serbisyong ibinibigay nito sa mga komyuter? 


At ang hindi nila pagtataas ng pasahe ay magiging magaan din para sa mga kababayan na araw-araw pumapasok sa trabaho at eskwela.


Sana lang ganito lagi mag-isip ang kinauukulan, na talagang nagsisilbi para sa kapakanan at kabutihan ng mga mamamayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page