top of page
Search
BULGAR

Good news, POGO at online gambling stop, bad news, may STL-con jueteng pa rin

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 14, 2024


MGA MAY-ARI NG MINING FIRMS KAYA ‘DI MAPARUSAHAN DAHIL MAY KASOSYO SILANG LAWMAKERS AT NAMUMUDMOD NG CAMPAIGN FUNDS KADA ELEKSYON -- Kamakalawa ay 37 katao pa lang ang naitalang namatay sa landslide sa Maco, Davao de Oro, pero kahapon ay 68 katao na ang naitalang namatay at nasa 51 pa ang missing sa trahedyang ito. 


Sa mga nakalipas na panahon ay marami na ang naging biktima ng mga ganitong trahedya, pero walang mambabatas, senador man o kongresista ang naghahain ng panukalang batas na patawan ng mabigat na parusa ang mga may-ari ng mga mining firm.


Dalawang bagay lang ang nakikita nating dahilan kaya walang nagnanais na maparusahan ang mga may-ari ng mga mining firm. Una, may mga mambabatas na kasosyo ng mga mining firms, at pangalawa, pagtanaw ng utang na loob kasi sa kada eleksyon ay namimigay ng campaign funds ang mga mining firm owner sa mga trapo (traditional politicians) at mga sikat na kandidato na alam nilang mananalo sa halalan, boom!

◘◘◘


GAMITIN SANA NG MGA BAGONG REHISTRADONG BOTANTE ANG UTAK SA PAGBOTO SA TAMANG KANDIDATO, HUWAG NANG BUMOTO NG MGA TRAPO AT MGA SIKAT NA WALANG KWENTANG KANDIDATO -- Sa unang araw ng voters registration ay ang daming nagparehistro. Sana naman, itong mga bagong rehistradong botante ay gamitin naman ang utak sa tamang pagboto, huwag silang boboto ng mga trapo na may bahid ng korupsiyon at mga sikat na kandidatong “nganga” lang sa puwesto. 


Sa totoo lang, kaya mahirap ang Pilipinas ay dahil mga trapo, mga kurakot at mga walang kwentang kandidato ang iniluluklok sa poder ng majority botanteng Pinoy, period!

◘◘◘


CONG. SALCEDA, MARAHIL ‘DI NAMAMALENGKE O NAGGO-GROCERY KAYA ‘DI NIYA ALAM NA MAHAL PA RIN ANG PRESYO SA MERKADO -- Fake news ang ibinida ni Albay Rep. Joey Salceda na dahil 2.8% na lang daw ang itinalang inflation rate ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong nakalipas na January 2024, ay mababa na raw ang presyo ng mga bilihin ngayong February 2024.


Malamang, itong si Cong. Salceda ay hindi namamalengke o kaya ay naggo-grocery, kasi sa totoo lang hanggang ngayon ay ubod pa rin ng mahal ang presyo ng mga bilihin sa merkado, taliwas sa sinasabi niyang mura na ang presyo ng mga bilihin sa bansa, boom! 

◘◘◘


POGO, ONLINE GAMBLING STOP NA SA PASIG CITY, KAILAN NAMAN KAYA IPA-STOP NI MAYOR VICO ANG STL-CON JUETENG? -- Good news! Ipina-stop na ni Mayor Vico Sotto ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at iba pang online gambling sa Pasig City.


Kaya lang may bad news din, kasi ang raket na STL (Small Town Lottery)-con jueteng nina alyas “Kits” at “Egay” sa Pasig City ay patuloy pa ring namamayagpag.

Kaya’t ang tanong: Kailan kaya ipag-uutos ni Mayor Vico ang pagpapa-stop ng raket na STL-con jueteng sa Pasig City? Abangan!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page