top of page
Search
BULGAR

Good news para sa mga tutor ng ARAL Program

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Dec. 17, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Magandang balita para sa ating mga kababayan, pirmado na ang implementing rules and regulations ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act na isinulong ng inyong lingkod. 


Ngayong inaasahan natin ang pagpapatupad ng ARAL Program, inaanyayahan din natin ang ating mga guro, para-teachers, at ang ating mga pre-service teacher na maging mga tutor. Mahalaga ang pakikilahok ng ating mga guro, para-teachers, at mga pre-service teacher upang mapatupad natin ang ARAL Program na tutugon sa learning loss ng ating mga mag-aaral. Kaya naman noong binabalangkas natin ang batas, tiniyak nating makakatanggap sila ng umento o benepisyo bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa tagumpay ng programa.


Para sa kaalaman ng ating mga kababayan, ang mga para-teacher ay kumuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) ngunit hindi naging kuwalipikado. Sa kabila nito, meron silang special permit mula sa Board for Professional Teachers, kung saan nakasaad ang lugar kung saan sila nakatalaga. Ang mga pre-service teacher naman ay mga mag-aaral na naka-enroll sa teacher education degree programs o mga kursong may kinalaman sa edukasyon.


Para sa ating mga gurong magsisilbing tutor ng ARAL Program, mabibigyan sila ng umento alinsunod sa mga angkop na probisyon ng Magna Carta for Public School Teachers at sa mga pamantayan ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM). 


Ipagkakaloob ang karagdagang bayad na ito sa mga guro kung nagampanan na nila ang kanilang tungkuling magturo sa classroom sa loob ng anim na oras. Ang dagdag na bayad sa mga guro ay hindi naman lalagpas sa halagang katumbas na bayad sa dalawang oras batay sa Prime Hourly Teaching Rate. Ang mga para-teacher na magsisilbing mga tutor ay babayaran mula sa pondo ng DepEd o sa Special Education Fund (SEF) ng local school board.


Para naman sa ating mga pre-service teacher na may balak mag-apply sa mga plantilla position sa DepEd, mabibilang na relevant teaching experience ang pagiging tutor sa ilalim ng ARAL Program.


Malaking hamon para sa ating bansa na tugunan ang learning loss ng ating mga mag-aaral. Ngunit tiwala ako na sa ating pagtutulungan, maibabangon natin ang sektor ng edukasyon at mawawakasan natin ang krisis na kinakaharap nito.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page