ni Gerard Arce @Sports | June 14, 2023
Unti-unting nakakapag-adjust sa laro sa indoor volleyball si Jovelyn “Bionic Ilongga” Gonzaga sa pagbabalik sa Cignal HD Spikers bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa Hunyo 29.
May ilang pagkakaton na hindi muna sumabak sa talunan ang 31-anyos na 2021 Vietnam Southeast Asian Games bronze medalist dahil sa matagal na pagkakababad sa buhanginan sa women’s beach volleyball.
Inamin ng tubong Jordan, Guimaras na binabantayan nito ang kanyang mga dating injuries sa paglipat sa taraflex court matapos magkaroon ng ACL injury na patuloy niyang pinapagaling at pinapalakas.
Inaalalayan pa ng dating multiple Philippine Super Liga at Shakey’s V-League MVP at Best Opposite spiker ang tuhod gayundin ang kanyang edad, na aminadong dumarating na sa puntong nagkaka-edad, kabilang ang kanyang malapit na kaibigan at kakamping si Rachel Ann Daquis para mabuo ang tambalang ‘GonzAquis’.
Nagbalik sa Cignal si Gonzaga matapos pansamantalang magpahinga ang dating koponan na Army Black Mamba Lady Troopers na karamihan umano ng manlalaro ay nasa military training.
Magiging malaking tulong agad sa Cignal si Gonzaga na lalong patatatagin ang opensa upang masubukang makabalik ng Finals matapos ang runner-up finish nung 2022 Reinforced Conference at dalawang bronze medal sa 2022 Open at Invitational, habang nais bumawi sa sixth place finish nung nagdaang All-Filipino Cup.
Makakasama ng 5-foot-8 spiker sa koponan sina Daquis, Ces Molina, Geneveve Casugod, Toni Rose Basas, Roselyn Doria, Jerrili Malabanan, Ria Meneses, Gel Cayuna, Grazielle Bombita, liberos Fatima General at Angelique Dionela, Jacky Acuna, Gyselle Sy at dating Ateneo hitter Vanie Gandler.
Comments