ni ATD \ Eddie M. Paez, Jr. - @Sports | June 10, 2021
Habang tumatagal ay lalong bumabangis sa tumbukan si Pinoy cue master Roberto Gomez.
Tila walang iniisip na pandemya dulot ng coronavirus (COVID-19) si Gomez dahil naka-pokus ito sa kanyang kampanya.
Swak sa round-of-16 si 42-year-old Gomez matapos nitong sargohin ang 11-7 panalo laban kay Aloysius Yapp ng Singapore nang magharap sa last 32 ng prestihiyosong World Pool Championship sa Marshall Arena, Milton Keynes, kahapon. Bago pinayuko ni Gomez si Yapp sa event na ipinatutupad ang double-elimination format ay kinalos muna nito si Muhammed Daydat ng Africa, 11-2 sa last 64.
Makakalaban ni Gomez sa susunod na phase sa tournament na nakalaan ang $50,000 premyo sa magkakampeon ay ang tigasin sa USA na si Skyler Woodward. Para dumiretso sa quartefinals, kailangan manalo si Gomez sa kanyang laban at mananatili ang tsansa nitong makuha ang korona.
Samantala, maliban kay Gomez, kasali rin si Pinoy Jeff De Luna sa nasabing event pero napatalsik na ito sa torneo matapos lumasap ng dalawang sunod na kabiguan.
May isa pang Pinoy na kasali, ito'y si Jeffrey De Luna pero maaga itong napatalsik sa torneo matapos makalasap ng dalawang sunod na kabiguan.
Si Woodward ng U.S.A. ay may mataas na kumpiyansa matapos na pauwiin si 2019 World 9-Ball Championships winner Fedor Gorst ng Russia, 11-8. Nauna rito, naungusan ni Gomez, minsan naging kampeon ng Derby City Classic Bigfoot Challenge, si Swiss bet Stewart Colclough, 9-8, at si 2016 world 9-ball championship winner Albin Ouschan ng Austria, 9-7, sa preliminaries ng kaganapang isinasaayos ng World Pool Billiards Association (WPA) at umakit ng matitinding manunumbok mula sa maraming bahagi ng daigdig.
Kung magtatagumpay sa paligsahan, mapapabilang ang tubong Zamboanga na cue artist sa mga Pinoy world champions na sina Efren “Bata” Reyes (8-Ball/2004, 9-Ball/1999), Alejandro “The Lion” Pagulayan (9-Ball/2004), Ronnie “The Volcano” Alcano (8-Ball/2007, 9-Ball/2006), Francisco “Django” Bustamante (9-Ball/2009), Dennis “Robocop” Orcullo (8-Ball/2011) at Carlo “The Black Tiger” Biado (9-Ball/2017).
Hindi ito ang unang salang ni Gomez sa kompetisyon. Minsan na siyang pumangalawa sa prestihiyosong pagtitipon, mahigit isang dekada na ang nakararaan.
Hozzászólások