ni GA @Sports | August 30, 2023
Pinasuko ng tinaguriang “Thai Killer” na si Pinoy boxer Herlan Sixto Gomez ang katunggaling si Vikash Dahiya ng India sa mabilis na first round technical knockout kasunod ng matinding tama sa bodega nitong Sabado ng gabi sa The Plush, La Meridien Dubai Hotel and Conference Centre (Airport DXB) sa Dubai, United Arab Emirates.
Kumaldag ng malutong na kaliwang uppercut sa kanang tagiliran ang 24-anyos na tubong Enrique B. Magalona, Negros Occidental upang paayawin ang Indian boxer sa kalagitnaan ng unang round sapat upang makamit ang ika-10 panalo laban sa isang talo, kaantabay ang pitong panalo mula sa knockout.
Sinukat muna ni Gomez ang laro at diskarte ni Dahiya sa pagsisimula ng laban ng bumitaw ito ng ilang jabs at right straight, habang sinusubukang makipagsabayan ng Indian boxer. Minsan ng nakapaglabas ng kaliwang hook sa tagiliran si Gomez sa pagsisimula ng laban, habang nakapagpakawala pa ito ng kaliwang hook at kanang patama sa sikmura.
Subalit sa palitan ng suntok ay tumama ang kaliwang suntok sa bodega ni Gomez na sinabayan naman ng right hook sa katawan at kaliwang hook sa mukha, ngunit mas matindi ang pagdapo ng suntok ng Negrense boxer upang sundan ang kanyang ikalimang sunod na knockout victory kina Thai boxers Thanachai Khamoon, at Wicha Phulaikhao, Phissanu Chimsunthom at Jakpan Sangtong na nakalaban para sa Asian Boxing Federation bantamweight title, na ginanap lahat sa Spaceplus Bangkok RCA sa Thailand.
Malayo pa man ang ranking ni Gomez sa masikip na 118-pound division na pinamumunuan ng matitinding Pinoy boxers na sina Vincent “Asero” Astrolabio, Reymart “Assassin” Gaballo, Jerwin “Pretty Boy” Ancajas at dating four-division World titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire.
Comments