ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 13, 2022
Nangibabaw ang husay nina “Superman” Roberto Gomez at “The Black Tiger” Carlo Biado sa 2022 Diamond Oklahoma Winter Classic One Pocket matapos na iposte ang isang 1-2 na resulta para sa Pilipinas sa sarguhang nasaksihan sa Deep Pockets ng Tulsa, Oklahoma.
Sa All-Pinoy finals na may tuntuning race-to-5 at alternate break, dinaig ni Gomez si Biado sa gitgitang salpukan na nagtapos sa iskor na 5-3. Ito ang unang korona ng tubong Zamboanga na manunumbok ngayong kasalukuyang taon. Nakuha ni Charlie Bryant ang huling puwesto sa podium ng paligsahan.
Tatlong paglalampaso ang naging panimula ni Gomez, no. 8 sa US Pro Billiards Series, sa torneo. Binokya niya si Austin Summers (4-0) bago inilampaso sina John Reynolds (4-1) at Greg Hogue (4-1). Sa hotseat match, luhod siya kay 2021 US Open 9-Ball champion Biado, 1-4, kaya nasipa siya sa one-loss side. Sa loser's bracket, hindi naman pinaporma ni Gomez si Charlie Bryant (4-0) para makapasok sa finals kung saan sinilat niya ang dating World Games gold medalist at dating World 9-Ball Championship winner na si Biado.
Samantala, nakuntento sa runner-up honors si Biado. Ito na ang pangatlong podium finish niya ngayong 2022 matapos na pumangatlo sa Scotty Townsend One Pocket at matapos na makuha ang unang puwesto sa Texas Open Scotch Doubles sa tulong ng pinagsanib-puwersa nila ng isang lady cue artist mula sa Amerika.
Sa Oklahoma One Pocket, sinagasaan ni Biado sina Mark Dimick (4-2), John Gabriel (4-3), Steve Smith (4-1) at Gomez (4-1) sa hotseat match para makarating sa championship round.
تعليقات