ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 16, 2021
Kumakatok sa top 10 sina Tokyo Olympics-bound Yuka Saso at Bianca Pagdanganan ng Pilipinas gayundin ang alternate nila na si Dottie Ardina sa solidong paglalakbay sa Ladies Professional Golf Association - Dow Great Lakes Bay Invitational Tournament sa palaruan ng Midland Country Club sa Miami.
Sa paligsahang nilalapatan ng “alternate play” format, nakipagtambalan si Rolex World no. 8 Saso, kasalukuyang U.S. Open champion at sariwa sa isang 5th place finish sa Marathon Classic (Sylvannia, Ohio), kay 5-time LPGA winner at Rolex World no. 15 South Korean Minjee Lee upang isumite ang isang one-under-par na kartada. Nagpakawala ang dalawa ng 5 birdies para makabawi sa dalawang bogeys at ang isang masaklap na double bogey.
Ang tambalan ng Fil-Japanese at South Korean ay tinaguriang “Team Nations” sa kompetisyong nagsisilbing mainam na bahagi ng paghahanda nina Saso at Pagdanganan para sa bakbakan sa Tokyo dahil kalahok din ang iba pang mga sasabak sa Olympics.
Isang palo lang ang angat sa kanila ng mga nakaupo sa pang-10 puwesto (Danielle Kang-Lydia Ko; Britanny Lang-Britanny Lincicome; Austin Ernst-Caroline Masson at Celine Herbin-Nuria Iturrioz) at dalawa sa may tangan ng pampitong baytang (Inbee Park-So Yeon Ryu; Ariya Jutanugarn- Moriya Jutanugarn; Mi Jung Hur-Jeongeun Lee).
Ganito rin ang posisyon ng mga nagsanib-puwersa na sina Pagdanganan-US bet Sarah Schemelzel (4 birdies, 3 bogeys) at Ardina-South African ace Paula Reto (5 birdies, 2 bogeys, 1 double bogey).
Kasalukuyang apat na tambalan ang humahawak ng trangko. Ang nangungunang pulutong ay binubuo ng magkapatid na Nelly at Jessica Korda; Cydney Clanton-Jasmine Suwannapura; Pajaree Anannarul-Aditi Ashok at Jillian Hollis-Lauren Stephenson.
Comments