ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 11, 2021
Tila nakalinya si Fil-Japanese Yuka Saso sa pangalawang sunod na korona sa malupit na Ladies Professional Golf Association (LPGA) tour kung sakaling mapagwagian niya ang KPMG Women’s PGA Championships na gaganapin simula Hunyo 24 hanggang 27 sa palaruan ng Johns Creek, Georgia.
Kasali na rin ang mga Pinay na sina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina sa kompetisyong naglatag ng $4,500,000 gantimpala sa mga magmamarkang kalahok. Si Pagdangan ay nakakuha ng tiket sa event dahil nakapasok siya sa top 10 ng 2020 KPMG Tournament noong siya ay isang rookie. CME Globe Points ang naging pasaporte ni Ardina papasok sa event.
Ang pagwawagi ni Saso sa isang major event ang naging tuntungan niya sa kompetisyon. Sariwa si Saso, nasabitan ng dalawang gold medal noong huling Asian Games, sa paggawa ng kasaysayan bilang pinakabatang reyna ng U.S. Women’s Open Championships sa California at pinakaunang parbuster mula sa Pilipinas na namayagpag sa isang major golf event. Halagang $1,000,000 ang naging gantimpala ng dalagitang Pinay. Ang tagumpay ay isa sa mga hindi malilimutan sa kasaysayan ng pro golf. Halos wala na sa eksena para sa korona si Saso sa round 4 dahil sa back-to-back double bogey sa pangalawa at pangatlong butas. Pero nakahabol siya sa trangko sa dulo ng hole 18 at nagwagi sa pamamagitan ng playoff.
Sumibad din siya sa pang-9 na baytang sa Rolex Women’s World rankings at ngayon ay awtomatiko nang selyado ang upuan niya sa nabinbing Tokyo Olympics na ilang linggo na lang ang layo at sisimulan na.
Napantayan ni Saso, dating silver medalist sa Youth Olympic Games, ang naitala ni South Korean Imbee Park noong 2008 dahil pareho silang 19 taon, 11 buwan at 17 araw nang maging reyna ng prestihiyosong kompetisyong inilatag sa lubhang mapanghamong palaruan.
Comments