ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 11, 2021
Sa nakalipas na taon, may mga pagkakataong sunud-sunod ang dating ng mga dagok at paghihirap sa ating buhay. Gusto nating paalalahanan ang bawat Pilipino na hindi kayo nag-iisa sa inyong pinagdadaanan sa gitna ng mga pagsubok na dulot ng COVID 19 at iba pang krisis.
Mula noong June 5 hanggang June 10, umikot muli ang ating opisina para magbigay-tulong sa mga sektor na labis na naapektuhan ng pandemya. Nag-abot tayo ng tulong sa 4,276 na market vendors at miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association sa Alaminos City, Pangasinan; 200 youth workers sa Angeles City, Pampanga, at 205 youth workers sa Calauan City, Laguna; 637 katao na kabilang sa indigenous sector sa Malolos City, Bulacan; 2,614 na market and fishpen vendors sa Himamaylan City, Negros Occidental; 3,210 TODA at market vendors sa Binalonan, Pangasinan; 100 informal settlers at landless families sa Maramag, Bukidnon; at 68 na PWDs sa Quezon City.
Tinulungan din natin ang daan-daang kababayan na tinamaan ng mga nakaraang sakuna, tulad ng bagyo at mga pagbaha. Nagbigay tayo ng ayuda sa 11,755 pamilya na biktima ng flash floods sa Victorias City at 3,510 pamilya sa Enrique B. Magalona sa probinsiya ng Negros Occidental; 1,000 na pamilyang biktima ng pagbaha sa Maasin City, Southern Leyte; 120 na biktima ng Bagyong Auring sa San Benito, Surigao del Norte; 148 naman na biktima rin ng Bagyong Auring sa Santa Monica, Surigao del Norte; at 400 pamilya na nabiktima ng Typhoon Ulysses noong nakaraang taon sa Marikina City.
Tuluy-tuloy din ang pagtulong natin sa mga nasunugan sa iba’t ibang panig ng bansa, tulad ng 50 pamilya sa Bgy. Alabang, Muntinlupa City; 35 sa Bgy. Ususan, Taguig City; 30 sa Bgy. 194, Pasay City; 23 sa Bgy. Pantal, Dagupan City, Pangasinan; 15 sa Brgy. New Kalalake, Olongapo City, Zambales; at pitong pamilya naman mula sa Bgy. E. Rodriguez, Quezon City.
Noong June 9, personal din tayong dumalo sa pagbubukas ng ika-118 na Malasakit Center sa Bukidnon Provincial Hospital sa Maramag, Bukidnon. Ang Malasakit Center ay one-stop shop na ating binuo upang padaliin ang pagkuha ng tulong medikal mula sa gobyerno. Dahil naisabatas na ito sa pamamagitan ng Malasakit Centers Act of 2019, umaasa tayong patuloy itong makatutulong sa ating mga kababayan hanggang sa susunod na mga henerasyon.
Nito namang June 10, personal tayong pumunta sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City, Davao del Norte, para siguraduhing maayos ang operasyon ng Malasakit Center sa nasabing ospital, at para na rin makita ang turnover ng dagdag na suporta mula sa national government ng mga equipment para sa pangangailangan ng cancer patients doon. Nag-abot din tayo ng tulong sa mga pasyente at frontliners sa ospital.
Habang sinisikap nating paigtingin pa ang serbisyo publiko sa panahon ng krisis, walang tigil din ang ating pakikipagbayanihan upang malampasan ang pandemya at maibalik sa normal ang ating pamumuhay.
Naabot na ang anim na milyong bilang ng mga bakunang naiturok sa mga kababayan natin. Binuksan na rin ang pagbabakuna sa ating mga kababayang kabilang sa A4 priority groups. Nitong Huwebes at Biyernes, dumating sa ating bansa ang halos tatlong milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 na gawa ng Pfizer, Sinovac at Sputnik. Inaasahan nating higit sampung milyong doses ng bakuna ang darating ngayong buwan ng Hunyo.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, nananawagan tayong dalhin agad ang bakuna sa taumbayan, mula sa critical areas, hanggang sa kahit saan mang sulok ng bansa sa mabilis at maayos na paraan upang makamit ang herd immunity bago matapos ang taon.
Patuloy nating hinihikayat ang mga kapwa natin na nasa gobyerno, lalo na ang LGUs, na mas paigtingin pa ang pagbabakuna sa kanilang mga lugar, lalo na sa mga natitira pang kabilang sa prayoridad na hindi pa bakunado. Kung kinakailangang suyurin ang kanilang mga komunidad at pamamahay para masigurong walang makakaligtaan ay gawin na natin agad.
Alalahanin nating ‘yung mga senior citizens ay hindi nakalalabas ng kanilang pamamahay kung kaya’t dapat lamang na tayo ang pumunta sa kanila upang proteksiyunan sila mula sa sakit. Maging mapamaraan tayo kung paano mas mapabibilis ang rollout ng bakuna. Sa bawat oras, buhay ang nakasalalay. Ni isang minuto at ni isang bakuna ay hindi dapat masayang.
Kung may naituro man sa atin ang pandemyang ito, ‘yun marahil ay ang halaga ng pagdadamayan at pagtutulungan sa gitna ng krisis at kahirapan. Malakas ang aking paniniwala na kung tayo’y nagkakaisa at nagbabayanihan sa pagharap ng mga suliranin ngayon, sabay-sabay din tayong babangon tungo sa isang maunlad, malusog, at mas komportableng kinabukasan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments