top of page
Search
BULGAR

Gobyerno, walang ‘K’ sa pagpili ng bibilhing e-jeep

ni Ryan Sison @Boses | Enero 11, 2024


Walang utos ang pamahalaan kung anong modelo at brand ng modernong jeepney ang gagamitin o bibilhin ng mga operators at kooperatiba na kalahok sa PUV modernization program. 


Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz, ang mga kooperatiba ang masusunod sa pagpili at pagbili ng mga modern jeepneys na nais nilang gamitin sa pagpasada habang labas na rito ang kagawaran.


Sa pagpapasya o prerogative ng jeepney cooperatives kung aling manufacturer, lokal man o imported ang bibilhing modern jeep dahil ang kailangan lang aniya ay alinsunod ang mga ito sa Philippine National Standard (PNS). 


Paliwanag ni Guadiz, maaari silang bumili ng mga locally made o mula sa Japan o China, at kahit pa sa anong bansa na gustuhin nila. Basta ang mga kooperatiba ang masusunod dito at hindi ang pamahalaan. Ipinahayag din ng opisyal na mayroong 32 models na ng modern jeepney ang pumapasada, kung saan locally manufactured o mga locally assembled jeepneys.


Kaugnay nito, binigyang-diin naman ni Guadiz na maaaring tulungan ng mga kooperatiba ang mga hindi nag-consolidate kung gusto pa ring kumita sa pamamasada ng kanilang jeepney, habang ang mga hindi lumahok sa konsolidasyon sa ngayon na rehistrado pa rin sa Land Transportation Office (LTO) ay puwedeng makabiyahe na lamang ng hanggang January 31, 2024.


Mabuti naman at may pagpipiliin pala ang mga operator at driver na kasali sa PUV modernization program na ito ng gobyerno.


Sobra kasing mahal ng mga imported na modern jeepney na baka umabot na sa puntong bayad na lang nang bayad sa utang ang ating mga driver at operators para sa kanilang mga sasakyan.


Kung tutuusin, mas maganda at masasabi nating matibay pa rin ang gawang Pinoy o locally manufactured, at kung kaya rin lang i-assemble ang ganitong klase ng modern jeepney at papasa sa pamantayan ng PNS ay ito na lang ang gamitin natin.


Hiling natin sa kinauukulan na dagdagan ang pang-unawa at pagtulong sa ating mga kababayan lalo na sa transport sector na talagang mas nangangailangan sa ngayon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Hozzászólások


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page