top of page
Search
BULGAR

Gobyerno, tagapagmana ng property owners, makikinabang sa pagpapalawig sa tax amnesty law

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | June 05, 2021



Lusot na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2208, o ang ating panukalang pagpapalawig sa bisa ng Tax Amnesty Law (RA 11213) hanggang Hunyo 14, 2023.


Sakaling maisabatas, hindi lang ang pamilya ng mga pumanaw na property owners ang makikinabang kundi maging ang gobyerno.


Nakatakdang sanang magpaso ngayong Hunyo 14, 2021 ang bisa ng naturang batas, pero dahil sa pandemya, nabimbin ang mga transaksIyon sa gobyerno at 15 buwang hindi gumalaw ang dapat sana’y pagproseso sa tax amnesty. Kung nagkataon, patung-patong na siguro ang hinaing ng mga kababayan nating may suliranin sa estate tax.


Nakalahad sa batas na mula 20 percent net estate tax, ay ibinagsak ito sa 6 porsIyento at ang halaga ay ibabase sa petsa kung kailan pumanaw ang isang property owner.


Isinasaad din sa batas na binaklas na ang penalties at surcharges na hindi nabayaran sa loob ng maraming taon.


Gayunman, posibleng maglahong parang bula ang lahat ng benepisyong ‘yan, kung hindi natin naagapan sa Senado ang pag-amenda sa Tax Amnesty Law na nagpapalawig sa bisa nito hanggang Hunyo 2023.


Paglilinaw sa ating panukala, malaki ang magiging pakinabang sa batas na ito ng mga tagapagpamana ng property owner sapagkat mababayaran na nila ang buwis ng minana nilang ari-arian tulad ng bahay at lupa sa mababang halaga. Kumbaga hindi na nila proproblemahin pa ang paghahabol sa kanila ng BIR.


Ang gobyerno naman mas tataas ang koleksIyon sa buwis dahil daragsa ang mga aplikasyon para sa tax amnesty at magbabayad ng buwis sa minana nilang property.


◘◘◘


ANG tagumpay ng ating kababayan sa ibayong dagat ay maituturing na tagumpay ng buong sambayanang Pilipino. Ano pa kaya kung ang larangang kinabibilangan ng ating kababayan ay dekalidad na posisyon sa International Criminal Court?


Isang malaking karangalan sa Pilipinas na sa kauna-unahang pagkakataon ay mapabilang ang isa nating kapita-pitagang hukom sa ICC, na naging tapat at masigasig sa kanyang mandato.


At sa kanyang nakatakdang pagreretiro mula sa ICC, ipinaaabot natin kay ICC Judge Raul Cano Pangalangan ang isang pagbati at pasasalamat. Si G. Pangalangan ay dati ring UP Law Dean.


Mabuhay ka, Judge Pangalanan. Isa kang malaking karangalan ng Pilipinas!


◘◘◘


Isang resolusyon ang isinumite natin sa Senado kamakailan na kumikilala sa hindi matatawarang kontribusyon ng dalawang haligi ng Philippine theatre sa pamamagitan ng Repertory Philippines (Rep).


Layunin ng ating Senate Resolution 735 na kilalanin ang Repertory Philippines founders na sina Bb. Zenaida “Bibot” Amador at Bb. Carmen “Baby” Barredo na pumanaw na kailan lamang.


Tulad ng ating yumaong ama na si dating Senate President Edgardo Angara, tayo ay may malaki ring pagsuporta sa anumang larangan ng sining.


Naaalala pa natin na noong tayo ay paslit pa, madalas tayong isinasama ng ating ina sa panonood ng stage plays na kinabibilangan ni Bb. Barredo. Anumang kontribusyon ng ating mga kababayan na nagbibigay karangalan sa ating kasaysayan ay dapat nating kilalanin.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page