ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 23, 2022
Bilang matagal nang nakakasama ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng mahigit dalawang dekada, saksi tayo sa paghihirap ng ating mga kababayan sa pag-avail ng serbisyong medikal ng gobyerno. Ang marami sa kanila, pumipila pa sa iba’t ibang opisina ng gobyerno para lamang humingi ng tulong. Ang iba, bumibiyahe pa ng Maynila mula probinsya para lamang magmakaawa sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Kaya naman bago pa man maihalal bilang senador at italagang Chair ng Senate Committee on Health, naging adhikain natin ang mailapit ang serbisyong medikal ng gobyerno sa mga Pilipino.
Mula 2018, isa sa mga ipinaglaban nating inisyatiba ang Malasakit Center program. Sabi ni Tatay Digong sa akin noon, dapat matulungan ang mga nangangailangan ng pampagamot kahit saan mang sulok ng bansa. Kaya sa unang anim na buwan bilang senador ay inakda at sinikap nating maipasa ang Malasakit Centers Act of 2019 na naisabatas bilang Republic Act No. 11463 sa 18th Congress.
Sa kasalukuyan ay mayroon na tayong 152 Malasakit Centers sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa at nakatulong na sa milyun-milyong benepisaryo. Sa tulong nito, hindi na kailangang pumila o mag-ikot pa ng mga Pilipino sa iba’t ibang opisina ng gobyerno para kumuha ng medical assistance. Gobyerno na mismo ang naglapit sa kanila ng mga serbisyong ito sa tulong ng Malasakit Centers.
Nang pumutok ang pandemya noong 2020 ay nasaksihan naman natin ang kakapusan ng mga ospital at iba pang health facilities sa ating bansa. Sa totoo lang, durug na durog ang puso natin noong kasagsagan ng COVID-19 kapag nakikita nating siksikan sa ospital ang mga kababayan nating tinamaan ng sakit. Ang ibang pasyente na hindi COVID-19 ang sakit ay hindi na halos makakuha ng agarang lunas dahil sa takot na mahawahan sa ospital. Kapos din sa health personnel noon dahil prayoridad munang tugunan ang mga nagka-COVID-19.
Naisip natin, hindi na dapat maulit ang mga ganitong eksena, lalo na sa mga kababayan nating nasa liblib na lugar na kailangan pang bumiyahe para makapunta sa mga ospital. Kailangang matiyak na may mabilis na access sila sa de-kalidad na healthcare services kahit na malayo sila sa mga siyudad — may pandemya man o wala.
Kaya naisipan natin, sa tulong ng mga kasamahan sa Kongreso at maging sa Ehekutibo, na magpatayo ng mga Super Health Centers na isa sa magiging solusyon para umayos ang healthcare services sa bansa. Pero ano nga ba ang Super Health Center?
Ang Super Health Center ay medium na bersyon ng polyclinics at mas malaki kaysa sa rural health units na karaniwang natatagpuan sa mga barangay. Layunin ng SHC na magkakaloob ng mga serbisyo, tulad ng out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: X-ray, ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit. Meron ding eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center; and telemedicine. Maaari rin itong magsilbing satellite vaccination sites para sa mga Pilipinong nakatira malayo sa urban centers kapag may immunization na isasagawa ang Department of Health.
Itinatayo ang SHCs sa mga maa-identify ng DOH na mga strategic locations para matiyak na madali silang mapupuntahan ng mga Pilipinong pinakanangangailangan ng kanilang serbisyong pang-medikal. Ang pagtatayo ay bahagi at pinopondohan ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng DOH na isunulong namin sa Kongreso noong nakaraang taon. Target ng DOH na makapagpatayo ng 307 SHCs sa buong bansa sa ilalim ng 2022 budget ng HFEP nito.
Kamakailan ay nagsagawa ako ng monitoring at inspection ng itinatayong SHC sa Anilao, Iloilo. Binisita rin natin ang SHC sa Iba, Zambales at sinaksihan ang groundreaking ng itinatayo sa Calatagan, Batangas; at sa Balagtas, Bulacan. Personal ko ring binisita ang itinatayo sa Barangay Inagawan, Puerto Princesa City, Palawan—at sa ilalim ng budget ngayong taon ay magkakaroon din sa iba pang mga bayan. Nitong Nobyembre, mayroon ding mga nagsagawa na ng mga ceremonial groundbreaking, tulad ng dalawang SHC sa Surigao City; at isa sa Santiago, Agusan del Norte.
Hangad nating tuluyang maipatayo ng gobyerno ang 307 SHCs na tinulungan nating mapondohan sa ilalim ng budget ng kasalukuyang taon. At sana ay madagdagan pa ang mga ito sa susunod na mga taon. May pandemya man o wala, dahil hindi nawawala ang pangangailangan ng mga Pilipino pagdating sa kanilang kalusugan.
Sa mga ginanap na pagdinig sa Senado sa 2023 budget ng DOH, bilang Chair ng Senate Committee on Health at Vice Chair ng Finance Committee, nagpapasalamat tayo sa mga kasamahan at natiyak nating may sapat na pondo para sa patuloy na pagtatayo ng mga SHCs at sa pagpapatupad ng iba pang programa para epektibong mailapit ang public healthcare services sa lahat. Napakahalaga na protektado ang ating mga kababayan, lalo na ang kanilang kalusugan. Ang pagpapalakas sa ating healthcare system at ang abot-kayang serbisyong medikal ay puhunan para sa kinabukasan ng ating bansa at bahagi ng ating layunin na patuloy na pagkakaloob ng komportableng buhay para sa mga Pilipino.
Bukod sa ating healthcare, tuloy pa rin ang ating suporta sa pagpapalakas ng sports sector ng bansa. Nito lamang Lunes, Nobyembre 21 ay personal nating nakapanayam si Justin Brownlee na nagpahayag ng kanyang pagnanais na maging ganap na Filipino citizen. Humarap siya sa Senate Public Hearing ng Committee on Justice and Human Rights para sa proseso ng kanyang naturalization.
Si Brownlee ay may pusong Pinoy at "never say die" attitude, kaya napamahal na siya sa mga Pilipino at alam din nating napamahal na ang mga Pilipino sa kanya.
Kaya naman taus-puso nating ipinaaabot ang buong suporta kay Brownlee. Higit sa talento niya sa basketball, ipinapakita niya ang puso niya na lumaban para sa Pilipino at ang pagmamahal niya sa ating bayan. Wala akong duda na ang puso niya para sa Pilipinas, kasama ang kanyang kakayanan at kakayahan sa basketball, ay may potensyal na magdadala sa ating Gilas Pilipinas sa rurok ng tagumpay sa mga kompetisyon na kanilang lalahukan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentários