ni Jasmin Joy Evangelista | October 15, 2021
Iginiit ng isang labor group na dapat tulungan ng gobyerno ang mga small at medium enterprises na maharap ang kanilang obligasyon sa mga manggagawa.
Ayon sa labor group na Kilusang Mayo Uno, kailangang maglaan ng pamahalaan ng pondo para matulungan ang mga negosyante na maibigay pa rin ang 13th month pay ng mga manggagawa sa kabila ng pandemya.
“Hindi puwedeng excluded sa pagbabayad ang mga employers sa 13th month pay sa kabila ng epekto ng pandemya dahil sa ngayon pa lang matinding kagutuman at kakulangan na ang nadarama ng mga manggagawa," ani KMU chairperson Elmer Labog sa isang panayam.
Ayon pa sa grupo, dapat hindi loan kundi grant ang ibigay ng gobyerno sa mga negosyong nabangkarote dahil sa COVID-19 pandemic.
Kamakailan ay sinabi na ng Employers Confederation of the Philippines na mahihirapang magbayad ng 13th month pay ang mga maliliit na negosyo sa mga empleyado nito.
Gustong magbigay ng mga employer ng benepisyo para sa kanilang mga tauhan kaya't sana ay bigyan sila ng pautang na walang interes o kondisyon, dagdag ng ECOP.
Samantala, nagpaalala naman ng Department of Labor and Employment na mandatory ang 13th month pay maliban na lang kung papayag ang mga empleyado na hindi muna ito makuha dahil apektado ang negosyo sa pandemya.
Comments