ni Ryan Sison @Boses | June 15, 2023
Aprub na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagsasama sa mga single o solo parent at mga breastfeeding mom sa food stamp program ng pamahalaan.
Ayon kay Palace briefer Daphne Paez, ang pagsasama sa mga solo parent at mga inang nagpapasuso ay magpapalakas sa First 1,000 Days Program ng gobyerno na layong matugunan ang stunting o ‘pagkabansot’ sa pamamagitan ng maternal nutrition at tamang child-feeding practices na kinakailangan.
Inihayag din ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang marching order ng Pangulo ay dapat malabanan ang kagutuman at pagkabansot ng mga bata, at pagsanib-puwersa ng iba pang programa ng gobyerno upang hindi aniya sila maging piece-by-piece ang turing dito.
Inilarawan ni Gatchalian na ang unang 1,000 araw, mula sa pagbubuntis hanggang sa paggagatas o lactation bilang isang “crucial period".
Gayundin aniya, sa mga pag-aaral lumalabas na ang pagkabansot ay nangyayari na sa oras na ang ilang mga bata ay umabot sa daycare.
Ayon naman kay Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa, humigit-kumulang 1 sa 5 batang Pilipino na may edad 0-23 buwang gulang at 28.7% ng mga batang wala pang 5 taong gulang ay bansot.
Batay sa DSWD, layon ng pilot testing ng food stamp program na sisimulan sa Hulyo ay matulungan ang nasa 1 milyong pinakamahihirap na pamilya. Makatatanggap ang mga target na benepisyaryo ng food credits na nagkakahalaga ng P3,000 para makabili ng piling listahan ng mga pagkain mula sa DSWD-accredited local retailers.
Malaking tulong ang maibibigay ng food stamp program ng gobyerno sa ating mga single parent at mga inang nagpapasuso.
Napakahalaga sa kanila ang pagkakaroon ng tamang nutrisyon na kinakailangan at magandang kalusugan. Matututukan din ang kanilang mga anak na lumalaking malusog at hindi mga bansot.
Sa kinauukulan, lagi sanang may ganitong mga programa na malaking pakinabang sa mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios