ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 1, 2024
Upang patunayan na hindi siya gumagamit ng droga, dapat sumailalim sa drug test sa publiko ang Pangulo.
Ito ang naging hamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpa-drug test sa harap ng mga mamamayan.
Sa isang press briefing sa Davao City, sinabi ni ex-P-Duterte na ito ay gawin na naka-set sa Luneta Park, sa Maynila, kung saan magpapakuha ang Pangulo ng dugo roon mula sa isang independent entity o doktor. Magpapakuha pati rin siya aniya, habang idiniin na magpakuha siya (P-BBM) ng blood test.
Ayon kay ex-P-Duterte, isang Cabinet official ang gumagamit ng cocaine kasama umano si P-BBM, at iginiit na si Marcos ay nasa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), bagay na itinanggi naman na ng PDEA.
Nagbanta rin ang dating pangulo, na kilala bilang isang matapang na lider kung saan naging sentro ng kanyang administrasyon ang war on drugs, na isasapubliko ang listahan ng PDEA kapag nakuha at napasakamay na niya ito.
Ginawa ng dating presidente ang pahayag matapos itong hamunin ng pinsan ng Pangulo na si House Speaker Martin Romualdez, na patunayan sa pamamagitan ng ebidensya ang akusasyon nito na si P-BBM ay isang drug user.
Sa ngayon, wala pang ibinigay na komento ang Pangulo hinggil sa pinakabagong pahayag ng dating presidente.
Matatandaang, sa isang prayer rally sa Davao City nitong Linggo ay tinawag ni ex-P-Duterte si P-BBM na “bangag” at inakusahan itong isang drug addict, habang binalaan ang administrasyon laban sa pag-amyenda sa Konstitusyon para mapanatili umano sila sa kapangyarihan.
Gayunman, pinagtawanan lamang ni P-BBM ang akusasyon sa kanya at sinabing ito ay maaaring epekto ng fentanyl, isang droga na una nang inamin ni ex-P-Duterte na tini-take o ginagamit niya sa panahon ng kanyang termino bilang pangulo.
Ayon sa United States Drug Enforcement Administration, ang fentanyl ay isang potent synthetic opioid drug na inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) para gamitin bilang pain reliever at anesthetic.
Tumitindi na nang husto ang bangayan ng dalawang lider ng ating bansa.
Subalit, hindi ito nagiging mabuti para sa mga mamamayan dahil tila nagkakaroon na ng paksyon at posibleng mauwi sa pagkakawatak-watak at gulo sa kalaunan.
Sa halip na isipin sana ang pagkakasundo para sa pagresolba ng mas mahahalagang isyu at problema ng ating bansa ay mas nakatuon ang marami sa iringan ng magkabilang panig at talagang hindi ito nakakatulong. Hindi ba’t ang ganitong klase ng alitan ay maihahalintulad natin sa mga away-bata lamang? ‘Yung parang nag-away dahil sa natalo sa basketball o sa pustahan, o kaya ay simpleng pagtatalo na nauwi sa suntukan.
Pakiusap natin sa kinauukulan na mas tutukan at unahin sana natin ang paglutas sa mga suliranin ng ating bansa tulad ng isyu ng kagutuman at mga mahihirap na walang makain, mga krimen, non-stop na taas-presyo ng gas at mga bilihin at bayarin, krisis sa transportasyon at marami pang iba.
Kung paano sana ang mga pangako noong panahong bago kayo nailuklok sa puwesto, na magkakaroon ng maayos na pamumuhay, magandang trabaho, sapat na pagkain, dekalidad na edukasyon at iba pa ang bawat pamilyang Pinoy, ay inyong tuparin.
Sana lang ay totoong isapuso ng mga lider ng ating bansa ang pagseserbisyo sa taumbayan. Gayundin, patunayan sana na kayo ay lingkod ng mga mamamayan at hindi panginoon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments