@Editorial | October 05, 2021
Kahon-kahon ng mga imported na carrots, broccoli, at iba pang gulay tulad ng bawang, sibuyas, at luya ang nasabat ng Bureau of Customs.
Pawang mga imported, walang permit at ibinebenta sa mga palengke.
Aabot umano sa P4.7 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang imported na gulay.
Sobra-sobrang importasyon ng mga gulay ang pumapatay sa kabuhay ng mga lokal na maggugulay.
Kaya dapat lang na ituloy ang imbestigasyon at operasyon laban sa mga nagpupuslit ng imported na gulay. Malinaw na sila lang ang nakikinabang at harap-harapan ang kanilang pananabotahe sa ating ekonomiya.
Bumabaha ng imported na gulay, habang nabubulok naman ang mga lokal. Tone-tonelada ang itinatapon na lang, ibinenta nang palugi o ibinalik na lang sa kanilang mga taniman dahil sa hindi man lang ito binibigyang-pansin.
Sana, sa madaling panahon ay matukoy na kung sino ang mga importer at ang mga taga-gobyerno na sangkot sa pananamantalang ito. Tiyak na meron, dahil hindi naman maglalakas-loob na gumawa ng kalokohan ang mga ito kung hindi protektado ng mga bulok sa gobyerno.
Halos barya na lang ang kinikita ng ating mga magsasaka, susulutin pa.
Nasa gitna tayo ng pandemya at pilit lumalaban ang mga local farmers para sa pamilya, huwag sanang hayaan na tuluyan silang mawalan ng pag-asa.
Marami sa kanila ang baon na sa utang at halos wala ng maituturing na pag-aari dahil ubos na sa pang-araw-araw na gastusin.
Anumang gawain na ilegal at nakaaapekto sa kapakanan ng taumbayan, dapat ginagawan agad ng aksiyon.
Ito ang hamon sa mga nasa gobyerno, lalo na sa mga ahensiyang may hawak sa usaping ito, galaw-galaw, ‘wag patulug-tulog sa pansitan.
Comments