top of page
Search
BULGAR

Gobyerno, dapat maging sistematiko sa mga suliraning teknikal

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | January 14, 2023


Malaki ang tiwala ng mayorya ng mga Pilipino na sa pagpasok ng taong 2023 ay magsisimula rin ang maayos na pamumuhay mula sa dalawang taong pagkakalugmok dahil sa pandemya. Ganyan ang lumabas sa survey ng Pulse Asia at ng Social Weather Station—na para bang naunsyami dahil sa dalawang pangyayari na talaga namang nagpabigat sa unang sargo ng bagong taon.


Dalawang pangyayari ang sumubok sa ating pagtitiwala—ang malalaking pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa tuluy-tuloy na malalakas na ulan. Nagsimula ‘yan mismo noong Kapaskuhan, kung saan iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na umabot sa 680,000 katao mula sa 161 cities and municipalities sa tinatayang 35 lalawigan ang lubhang naapektuhan. Sa nasabi pa ring ulat, may 52 katao ang namatay, 16 ang sugatan at 18 katao ang hanggang ngayon ay nawawala. Libu-libong kabahayan ang nasira at tinatayang aabot sa P247 milyon ang nasalanta sa agrikultura.


Ang isa pang sablay na sumalubong sa atin sa pagpasok ng 2023 ay ang NAIA glitch o ang pagkasira ng CNS/ATM o ang Communications, Navigation, and Surveillance/ Air Traffic Management system ng pambansang paliparan.


Ayon sa mga kinauukulan, pagkawala ng kuryente ang pangunahing dahilan upang dumanas ng napakalaking aberya ang mahigit 60,000 pasahero o pagka-delay ng mahigit 300 flights.


Hindi masasabing nagpabaya ang mga ahensya ng may direktang koneksyon sa dalawang magkahiwalay na pangyayari. Nagpaabot naman ng tulong ang bawat pinuno ng mga pamahalaang lokal sa kani-kanilang nasasakupan na sinalanta ng kalamidad. Sa kabilang banda, nagpadala ng emergency response teams ang DOTr at ang Department of Migrant Workers upang asistehan ang stranded at affected passengers sa mga paliparang inabot ng aberya.


Nagpapasalamat tayo sa mga ginawang tulong ng mga ahensya sa mga naapektuhan ng power outage sa paliparan, pero sana naman, ito na ang huling pagkakataon na makararanas ng ganitong aberya ang ating mga kababayan. Hindi sana lumala ang sitwasyon sa airports kung palaging nakaalerto at handa ang mga kinauukulan. Naagapan sana kung may maayos na sistema.


Ganyan ang tinutukoy natin sa mga panukalang batas na isinulong natin noong 18th Congress na may kinalaman sa aviation.


Base na rin sa rekomendasyon ng Safe Travel Alliance, nasinegundahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), isinulong natin ang panukalang nagpapalakas sa CAAP. At sa pagpasok ng kasalukuyang Kongreso (19th Congress), muli nating isinulong ang panukalang ito—ang Senate Bill 1003.


Ang ilan sa mahahalagang puntos ng ating panukala ay ang pag-update sa kabuuan ng CAAP Board. Dapat kabilang sa Board ang mga kinatawan mula sa pribadong sektor; pagpapatupad ng 8-year fixed term ng CAAP Director General upang mas maging malawak ang kaalaman at karanasang teknolohikal nito na kanya namang ipapasa sa susunod na CAAP DG; mas mapalakas pa ang fiscal autonomy nito at ang kanilang exemption sa GCG Law at sa Salary Standardization Law.


Isa rin sa dapat maisabatas ay ang paglikha sa Department of Disaster Resilience upang magkaroon ng kaukulang ahensya na tututok sa mga kalamidad, tulad ng bagyo. Sa pamamagitan nito, mas masisiguro ang kaligtasan ng mamamayan at ng mga lugar na apektado.


Sa mga pagkakataong higit na nangangailangan ng tulong at atensyon ang ating mga kababayan, dapat ay palagi tayong handang tumulong at hindi ‘yung “teka-teka” pa. Kailangang maging maagap ang gobyerno sa mga sitwasyong tulad nito at siguruhing hindi na ito mauulit sa mga darating na panahon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Bình luận


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page