top of page
Search
BULGAR

Gobyerno at publiko, dapat seryosohin ang epekto ng Delta variant

ni Ryan Sison - @Boses | August 09, 2021



Makaraang makapagtala ng mahigit 10,000 bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang araw, sinabi ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na dama na ang epekto ng Delta variant sa Pilipinas.


Sa mga nakalipas na linggo, pumalo sa higit 8,000 ang mga bagong kaso at noong Biyernes at Sabado ay sumipa sa higit 10,000 ang mga kaso, kung saan ayon sa DOH, possible pang tumaas ang mga ito.


Noong Biyernes, umabot na sa 450 ang naitalang nagkaroon ng Delta COVID-19 variant sa bansa.


Matatandaang ang naturang variant na unang na-detect sa India ang itinuturong dahilan ng pagbagsak ng healthcare system ng ilang parte ng Asya.


Paliwanag ng opisyal, bagama’t hindi pa nakikita kung kailan hihinto ang paglobo ng mga kaso, kailangan pa rin aniyang ipagpatuloy ang mga paghihigpit habang sinusubukang palakasin ang healthcare system.


Samantala, itinaas ng ahensiya ang inaasahang bilang ng mga aktibong kaso sa Metro Manila sa katapusan ng Setyembre kahit magpatupad pa ng mahigpit ng community quarantine classification.


Sa totoo lang, nakababahala dahil patuloy ang pagtaas ng bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, gayundin ang Delta variant.


Alam nating mas nakahahawa at agresibo ang variant na ito, kaya pakiusap sa lahat, ‘wag dedmahin ang sitwasyon, dagdagan pa ang pag-iingat at iwasang magpasaway.


Ngayon tayo dapat magseryoso dahil hindi na biro ang kinahakarap ng ating bansa.


Isa pa, tumataas ang bilang ng mga batang nagkakasakit, kaya panawagan sa mga magulang, bantayang maigi ang mga anak at ‘wag hayaang makalabas ng tahanan.


Samantala, pakiusap naman sa gobyerno, bukod sa mga kasalukuyang hakbang tulad ng mahigpit na quarantine classification, palakasin din ang healthcare system ng bansa.


Ang mga health workers natin, kaya pa bang mag-duty? Kung patuloy na tataas ang mga kaso araw-araw at unti-unting napapagod ang ating medical frontliners, paano natin lalabanan ang mga hamon na dala ng pandemya?


‘Ika nga, lahat tayo ay may obligasyon sa laban na ito, at kung lahat tayo ay kikilos, kaya natin itong lampasan.


Sa ngayon, makinig at sumunod tayo sa mga hakbang na ginagawa ng gobyerno dahil ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti natin.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page