@Editorial | April 17, 2021
Patuloy ang paghikayat ng gobyerno sa mga lokal na kumpanya na mag-develop ng sariling mga bakuna sa Pilipinas.
Kaugnay nito, inumpisahan na rin ang pakikipag-usap sa mga kumpanya na posibleng makapagsimula ng paggawa ng mga bakuna upang hindi na tayo umasa sa pag-import ng vaccine.
Bagama’t kailangan pa rin ng suporta ng mga kumpanyang ito tulad ng pagpapabilis sa pagproseso ng kanilang mga dokumento at ang pagtitiyak na uunahin ng gobyerno na bilhin ang kanilang maipo-produce kaysa mag-angkat ng bakuna.
Pabor naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kondisyon ng mga kumpanya at posible naman aniya ang mga ito.
Una nang inamin ng gobyerno na isa sa mga dahilan kung bakit hirap ang pamahalaan na makakuha ng bakuna kontra COVID-19 ay dahil wala tayong kakayahang makagawa ng sariling vaccine at nakadepende lang tayo sa supply ng manufacturers sa ibang bansa. Kaya ‘pag kinulang sila ng supply, tiyak na apektado tayo.
Ito na ang panahon para mas lalong palakasin ang sariling atin. kung magtutulungan ang gobyerno at mga pribadong kumpanya, tiyak na malaking tulong ito hindi lang sa laban sa COVID-19 kundi maging sa iba pang sakit.
Magtiwala tayo sa galing ng ating lahi. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na maraming Pinoy ang higit na napakikinabangan ang galing sa ibang bansa dahil doon ay may sapat na suporta.
Alang-alang sa bayan, gawin natin ang mga bagay na malaki ang tulong na maidudulot sa hinaharap.
Comments