GMRC, Values Education, mas mabuting ituro na ngayon!
- BULGAR
- Apr 10
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Apr. 10, 2025

Nitong nakaraang Martes, nagsagawa ang Senate Committee on Basic Education ng isang pagdinig, kung saan tinalakay natin ang mga lumalalang insidente ng bullying at karahasan sa ating mga pampublikong paaralan.
Sa naturang pagdinig, hinimok natin ang Department of Education (DepEd) na huwag nang ipagpaliban ang pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) sa ating mga paaralan. Para sa inyong lingkod, kailangan na itong ituro bilang isang hiwalay na subject ngayong paparating na School Year (2025-2026).
Kung sisilipin kasi natin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng GMRC and Values Education Act (Republic Act No. 11476) na isinulong ng inyong lingkod, nakasaad doon na nakatakda ang pagtuturo ng GMRC sa lahat ng mga pampublikong paaralan pagdating ng SY 2022-2023. Noong ipinasa ang batas, layunin naming mapalitan ang Edukasyon sa Pagpapakatao ng GMRC.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11476, mandato ang pagtuturo ng GMRC bilang isang hiwalay na subject sa Grade 1 hanggang Grade 6, samantalang Values Education naman ang ituturo mula Grade 7 hanggang Grade 10 bilang isa ring hiwalay na subject.
Pagdating ng Grade 11 hanggang Grade 12, ang Values Education ay gagawing integrated sa mga subject na ituturo sa mga mag-aaral. Ang GMRC at Values education ang tanging mga subject sa ilalim ng DepEd na iminandato ang pagtuturo sa ilalim ng isang batas.
Sa kabila ng panahong itinakda ng IRR ng batas sa GMRC, sa Grade 1, 4, at 7 pa lamang ito itinuro noong SY 2024-2025. Halos limang taon na ang nakalipas ngunit hindi pa rin natin naituturo ang GMRC sa ating mga paaralan batay sa layunin ng ipinasa nating batas. Hindi na tayo maaaring maghintay na meron uling mag-aaral na mamatay dahil nabigo tayong maturuan ang ating mga mag-aaral ng magandang asal.
Sa ginawang pagdinig, binalikan natin ang mga insidenteng naging laman ng mga balita nitong mga nakaraang araw, kabilang ang pananaksak sa isang Grade 8 student sa Parañaque at ang pananabunot ng isang mag-aaral sa Quezon City.
Nakakabahala ang ating mga nasaksihan, lalo na kung iisipin nating ito ang susunod na henerasyon ng mga kabataan sa ating bansa. Kaya naman naniniwala akong maliban sa mga programa laban sa bullying, mahalagang turuan natin ang ating mga mag-aaral na gumalang sa kanilang kapwa at iwasan ang pagiging marahas.
Hindi na tayo dapat pang mag-aksaya ng panahon. Hindi natin dapat pahintulutang maging normal ang karahasan sa mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino. May paraan tayo upang maturuan ang ating mga kabataan na maging mabuting mga mamamayan. Gamitin natin ito. Ituro na natin ang GMRC at Values Education sa ating mga paaralan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments