top of page
Search
BULGAR

GMA kay ex-P-Du30: Balik ka na sa pulitika

ni Mylene Alfonso @News | September 12, 2023




Kinumbinse ni dating Pangulo at ngayo'y House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo si dating Pangulong Rodrigo Duterte na maging aktibong muli sa pulitika.


Ito ang inihayag ni Senador Christopher "Bong" Go matapos mag-post ng litrato sa Facebook ng pagpupulong nina Arroyo, Duterte, dating Senate President Vicente Sotto III at dating Executive Secretary Salvador Medialdea noong Sabado.


"Isang simpleng kamustahan at masayang pagkikita ang nangyari kasama ang mga pinunong naglingkod sa bayan sa iba’t ibang posisyon o kapasidad noong mga nakaraang administrasyon. Nagbalik-tanaw sila sa mga panahong nagkasama sila sa gobyerno," ani Go.


"Sa nasabing pagkikita, kinukumbinse rin ni Arroyo si Duterte na maging aktibo muli sa pulitika," saad pa ng senador.


Inimbitahan umano ni Arroyo si Duterte sa isang ‘informal meeting’ sa pamamagitan ng isa sa mga staff at nagkataon namang nasa Maynila ang dating Pangulo.


"Nagkataong magkasama kami ni Tatay Digong noon matapos ko siyang samahan sa kaniyang medical check up sa hospital, gaya ng dati kong ginagawa sa kanya," paliwanag pa ni Go.


"At dahil bihira lang naman na pumunta sa Maynila sa ngayon si dating Pangulong Duterte, sumabay na rin sa pagkikitang iyon, sa tulong ni dating executive secretary Salvador Medialdea, si dating Senate President Tito Sotto na gusto ring makumusta nang personal ang kanyang itinuturing na kaibigan na si Tatay Digong," ayon kay Go na dating aid ni Duterte.


"Sabi ko nga, magkaiba man ng pinanggalingan, iba’t iba man ang hinawakan nilang posisyon sa gobyerno, iisa lang ang kanilang hangarin — ang paglingkuran ang sambayanan,” pagtatapos ng senador.




Recent Posts

See All

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page