ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | September 14, 2020
Pinisak ni Pinoy Grandmaster Wesley So sina Norwegian GM Magnus Carlsen at Russian GM Peter Svidler upang mapanatiling nasa tamang landas ang kanyang paghahangad na makuha ang titulo ng malupit na 2020 Champions Showdown: Chess 9LX Online.
Muling nasaksihan ang karibalang So-Carlsen at pinatunayan ng 26-taong-gulang na dating hari ng ahedres sa Pilipinas na pagdating sa Chess 960 o Fischer Random Chess, hindi uubra ang tikas ng world standard chess king na si Carlsen sa kanya. Ang malupit pa nito ay tangan ni So ang itim na piyesa nang daigin niya si Carlsen.
Matatandaang noong isang taon ay inilampaso ni So si Carlsen sa kanilang duwelo tungo sa pag-angkin ng titulong FIDE World Fischer Random Chess. Ito ay naganap sa mismong bansa ni Carlsen at dinurog niya ang puso ng mga tagapanood na Norwegians.
Sa bakbakan naman nila ni Svidler, kinain ng kampo ni So, tubong Cavite, ang dalawang pawns ng Ruso na naging sanhi ng bantang checkmate sa isang queen-knight endgame. Bukod sa dalawang panalo, may anim na draws din si So sa event.
Sa larong ito ng ahedres na pinasikat ni US GM Bobby Fischer, ang starting position ng mga piyesa ay laging magkakaiba kaya ang paghahanda ng mga chessers ay halos bokya na at ang kanilang natural na tikas sa board ang kanilang sinasandalan.
Sa kasalukuyan, nasa pangalawang puwesto si So kasama sina Carlsen at GM Hikaru Nakamura taglay ang apat na puntos. May 4.5 puntos naman si Armenian GM Levon Aronian upang pansamantalang hawakan ang liderato sa tatlong araw, siyam na round na kompetisyon. Naghihintay ang USD 37,500 para sa magkakampeon at halagang USD 25,000 para naman sa sesegunda. Ang cash pot sa torneo ay USD 150,000.
Kalahok din sa torneo sina GM Maxime Vachiere Lagrave (France), GM Leinier Dominguez (USA), GM Alireza Firouzja (Iran), GM at dating world champion Garry Kasparov ng Crotia.
Comments