ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | November 23, 2020
Dinurog ni Pinoy Grandmaster Wesley So si GM Jan Krzysztof Duda ng Poland, 16.0-10.0, sa kanilang round-of-8 na duwelo upang matagumpay na makapasok sa semifinals ng 2020 Elite Speed Chess Championships na ginaganap pa rin online bilang pananggalang ng mga organizers sa pandemya.
Nahati sa tatlong bahagi ang naging girian nina So at Duda base sa time control: 5/1, 3/1 at 1/1. Ang una at pangatlong bahagi ay gitgitan dahil nauwi sa 4-4 na standoff ang 5/1 at 4-5 naman sa 1/1 pabor sa Polish na dumaig kay world no. 2 at Italian American GM Fabiano Caruana sa quarterfinals. Pero nagmistulang maestro ni Duda sa 3/1 segment ang tubong Cavite na disipulo ng ahedres dahil sa pagkolekta ni So ng 7 panalo at dalawang tabla para sa iskor na 8.0-1.0.
Haharapin ni So, 27-taong-gulang na bumiktima kay dating child wonder GM Nordibek Abdusattorov ng Uzbekistan (18.0-10.0) noong round-of-16, ang mangingibabaw sa salpukan nina 2019 champion GM Hikaru Nakamura ng USA at Russian GM Vladimir Fedoseev.
Dalawang beses nang naging runner-up sa torneo ang dating hari ng ahedres sa Pilipinas (2018 at 2019). Sa nakaraang dalawang taon din, si GM Hikaru Nakamura ang nagkampeon. Kasali ngayong 2020 para ipagtanggol ang kanyang titulo si Nakamura gayundin si GM Magnus Carlsen, ang kasalukuyang world chess king, na gustong maulit ang kanyang tagumpay noong 2017. Sina Nakamura at Carlsen ang umuokupa ng unang dalawang puwesto sa seedings.
Bagong patong sa ulo ni So ang korona ng prestihiyosong US Chess Championship. Kamakailan din, sa 2020 Saint Louis Rapid and Blitz Tournament, isang bakbakan sa larangan ng rapid chess at blitz chess, idineklara sila ni Norwegian GM Magnus Carlsen bilang co-champions matapos silang makaipon ng 24 puntos.
Comments