ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 22, 2021
Ipinako ni U.S. Grandmaster Wesley So ang pangatlong titulo sa kasaysayan ng U.S. Chess Championships kahapon matapos na maungusan sa play-offs sina GM Sam Sevian at dating world challenger GM Fabiano Caruana sa pagtatapos ng 2021 edisyon ng face-to-face na prestihiyosong paligsahan sa Saint Louis.
Pagkatapos ng 11-yugtong round robin, pare-parehong nakaipon ang troika ng tig-aanim at kalahating puntos para pansamantalang pagsosyohan ang unang baytang.
Dahil dito, kinailangang magrambulan ng tatlo para malaman kung sino ang magiging kampeon. Unang nakasikwat ng panalo si So laban kay Italian-American Caruana bago winasak ang hamon ni Sevian para sa korona. Si speed chess demon GM Hikaru Nakamura ay hindi lumahok sa tunggalian.
“I thought the tournament was pretty much over by yesterday, Fabiano almost won three games in a row,” pahayag ng nagagalak na si So matapos mauwi sa playoff ang event.
Bukod sa tagumpay ngayong taong ito na nagkakahalaga ng $50,000, ang 28-taong-gulang na dating hari ng ahedres sa Pilipinas mula sa Cavite na sumuporta rin sa Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) 2nd Conference ay namayagpag sa torneo noong 2017 at 2020. Sina Caruana at Sevian ay nagbulsa ng $30,000 bawat isa bilang pabuya sa pagiging runners-up.
Makislap ang nagiging paglalakbay ni So, kasalukuyang FIDE World Random Fischer Chess champion, ngayong panahong patuloy na umaatake ang pandemya. Kamakailan ay hinirang siyang 2021 Grand Chess Tour titlist. Naitakas din ni So ang pangalawang puwesto sa isang nakahihilong pagtatapos ng Champions Showdown: Chess 9LX sa Saint Louis, Missouri kung saan kamuntik pang maghari si dating world champion at ngayon ay 58-anyos nang si Garry Kasparov.
Comments