top of page
Search
BULGAR

Giyera ng DOTr, LTFRB vs. transport group, non-stop

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 28, 2023


Matapos ang limang araw na tigil-pasada na inilunsad ng dalawang transport group ay muling nagbabala ang grupong MANIBELA na itutuloy nila ngayong linggo ang nationwide transport strike upang pigilan pa rin ang isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) na deadline sa consolidation sa Disyembre 31, 2023.


Ayon kay MANIBELA President Mar Valbuena, hindi sila naniniwala sa pangako ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pahihintulutan pa rin nilang mamasada ang mga jeepney basta mangangako na sila ay magko-consolidate.


Sa pananaw pa rin ng ilang transport group, ang alok na consolidation na bahagi ng PUV modernization program (PUVMP), kung saan ang mga tsuper at operator ay hinihikayat na bumuo ng kooperatiba, ay isang patibong lamang.


Kung naniniwala umano ang gobyerno na kaya nilang magbigay ng ‘libreng sakay’ ay mas mabuti na umanong tuluyan na silang huwag bumalik sa kalsada dahil sa ito anila, ang pakay ng pamahalaan, ang ipatupad ang phaseout.


Hanggang sa kasalukuyan ay buo pa rin ang pangamba ng ilang transport group na mapi-phaseout na ang mga tradisyunal na jeepney sa pagpasok ng unang araw ng 2024 dahil mawawalan na ng bisa ang prangkisa ng mga hindi sasali o bubuo ng kooperatiba o korporasyon.


Ang franchise consolidation ang unang hakbang ng PUVMP na naglalayong pag-isahin ang mga operator na may indibidwal na prangkisa ng mga tradisyunal na jeep sa pamamagitan ng pagbuo ng mga kooperatiba o korporasyon.


Ngunit, ipinaliliwanag ng LTFRB na mali umano ang pagkakaintindi ng mga transport group dahil pagkatapos ng deadline sa Disyembre 31 ay makakabiyahe pa rin naman daw ang mga tradisyunal na jeepney at hindi ito agad papalitan ng mga modernong jeepney dahil maaari itong magdulot ng krisis sa transportasyon.


Ang nais lamang ng LTFRB ay magsumite ang mga operator ng tradisyunal na jeepney ng kanilang petition for consolidation bago pa ang deadline sa Disyembre 31.


Kaya maging ang LTFRB ay pinapawi ang pangamba ng ilang transport group dahil ang isinasagawa umano nilang tigil-pasada ay isang napakalaking pagkakamali dahil walang magaganap na phaseout.


Iginiit pa ng LTFRB na walang katotohanan na ang PUVMP ng pamahalaan ay layong tanggalin ang mga tradisyunal na jeepney basta’t ‘road worthy’ pa ito at pasado sa pamantayan ng LTO at LTFRB.


Napakatagal na ng problemang ito ng pamahalaan dahil taong 2017 pa nang magsimula ang programa kung saan ang mga jeepney na mayroong Euro 4-compliant engine ay aalisin na.


Pero para sa mga tsuper at operator, masyadong mabigat ang P2 milyon para sa ipapalit na sasakyan sa kanilang mga jeepney na kahit uugod-ugod na ay mahal umano ng mga mananakay na tumitingin pa rin sa nakagisnang kultura.


Subalit, hindi maitago ng LTFRB na ang mga driver at operator na tatangging lumahok sa PUV modernization program ay bibigyan ng provisional authority na bumiyahe sa kanilang ruta sa ilalim ng kanilang umiiral na prangkisa pero hanggang sa punto lamang na mayroong sapat na bilang ng sasakyan sa consolidated fleet.


Nais ng LTFRB na kung ang isang ruta ay may 50 jeep na bumabiyahe, at iyong 40 sa mga ito ay consolidated na at may 10 na hindi pa, papayagan namang bumiyahe ang 10, pero oras na makumpleto umano ang kailangang bilang ng consolidation na 50 ay tiyak na hindi na papayagang bumiyahe pa ang natitirang 10 jeepney.


Sa isang banda ay tila abot-kamay na ng DOTr at LTFRB ang tagumpay ng plano nilang PUVMP dahil hanggang sa kasalukuyan ay buo ang kanilang paninindigan na ituloy ang deadline sa Disyembre 31, 2023.


Matapos ang ipinakitang pinagsanib na puwersa ng PISTON at MANIBELA ay tila lalong lumakas ang loob ng pamunuan ng DOTr at LTFRB dahil sa hindi umano naramdaman at wala kahit katiting na epekto sa kabuhayan ang ginawa nilang tigil-pasada.


Ngayon heto, may bago namang transport strike, kung walang bagong putaheng ihahain ang transport group ay wala na tayong inaasahang mangyayari at tiyak na magaganap na ang Disyembre 31 deadline.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page