top of page
Search
BULGAR

Ginawa na ang lahat, pero wa’ pa rin epek?Gamification, susi para ganahan ang mga bagets na mag-aral

ni Mabel Vieron @Life & Technology | August 27, 2024



File


Problema mo rin ba ang iyong chikiting na hirap papasukin sa iskul, lalo na kapag maaga ang oras ng pasok? Ang pag-aaral at pagpasok sa school ay isang mahalagang aspeto para sa mga bata, at dapat itong maipaliwanag sa kanila nang mabuti kung ano nga ba ang magandang naidudulot ng pag-aaral para sa kanila. 


Bilang isang magulang, dapat tulungan din natin sila na matutunan kung ano nga ba ang kanilang gustong maging trabaho, at pangarap sa buhay. 


Ngunit, ang pagharap sa hamon ng araw-araw na pagpasok sa paaralan ay hindi laging madali. Maraming bata ang nawawalan ng gana at interes sa pag-aaral dahil sa iba't ibang dahilan, gaya na lamang ng pagod, pagkabagot, kawalan ng motivation, at kawalan ng kaibigan. 


Sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya at pag-unawa sa mga makabagong paraan ng pagtuturo, isang epektibong solusyon ang lumitaw– ang gamification. Kaya ano pang hinihintay n’yo? Halina’t alamin kung ano nga ba ang ibig sabihin ng gamification.


Ang gamification ay ang paggamit ng mga diskarte mula sa mga laro na maaaring magamit sa edukasyon. Ang layunin nito ay gawing mas engaging, at rewarding ang isang aktibidad na kadalasang itinuturing na obligasyon. Binabago ng gamification ang paraan ng pagtuturo sa pamamagitan ng pagpapasok ng mga elemento tulad ng puntos, badges, leaderboards, rankings, at mga challenges upang gawing mas nakakaengganyo.


PAANO NGA BA NAKAKATULONG ANG GAMIFICATION SA PAG-PUSH NG MGA BATA NA PUMASOK SA PAARALAN?

  • MOTIVATION. Sa pamamagitan ng gamification, nakadaragdag ito ng motivation sa pamamagitan ng instant rewards. 


Kapag ang isang bata ay nakakakuha ng puntos o badges para sa kanilang mga nagawang gawain, nakakaramdam sila ng achievement na nagtutulak sa kanila upang magpatuloy at magpursige pa lalo. 


Ang pagkakaroon ng mga goal na maaaring marating ay nagbibigay ng karagdagang dahilan para sa kanila upang pumasok sa paaralan araw-araw.

  • IWAS BAGOT. Sa pamamagitan ng paggawa ng mga aralin na hinahaluan ng laro, nababawasan ang pagkabagot ng mga bata. 

Ang mga learning activities na may halong laro ay nagiging mas interactive at nakakaaliw, ito ay nagreresulta sa mas aktibong partisipasyon ng mga estudyante. 

Ang mga laro ay nagbibigay din ng pagkakataon para sa collaborative learning na nagpapalakas ng pakikipag-ugnayan ng mga estudyante sa isa’t isa.

  • PAGKAKAROON NG FOCUS AT DISIPLINA. Ang gamification ay hindi lamang tungkol sa kasiyahan. Ito rin ay nakakatulong sa kanila para mag-focus at magkaroon ng disiplina. 


Ang mga larong pang-edukasyon ay kadalasang nangangailangan ng strategy, critical thinking, at problem-solving skills. Habang naglalaro ang mga bata, natututo rin silang maging mas organisado at responsableng mag-aral.


Ang gamification ay isang makabagong paraan upang mahikayat ang mga bata na sipaging pumasok sa paaralan. 


Sa pamamagitan ng pag-transform mula sa tradisyunal na paraan ng pagtuturo tungo sa isang mas interactive at rewarding na sistema. 


Ang pagtataguyod ng ganitong mga inisyatiba ay hindi lamang nagpapasaya sa mga bata, kundi nagpapalakas din ng kanilang motivation, focus, at overall academic performance. 


Maaari ding gamitin ang gamification sa ating tahanan, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng reward para sa mga anak kapag sila ay may nagawang mabuti o natapos na gawain. Kuha mo?




0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page