top of page
Search
BULGAR

Ginang, bibili lang ng yosi, binaril ng lasing na pulis, patay

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 1, 2021




Patay ang 52-anyos na nakilalang si Lilybeth Valdez matapos barilin ng lasing na pulis na si Master Sgt. Hensie Zinampan sa Sitio Ruby, Barangay Greater Fairview, Quezon City pasado alas-9 kagabi, May 31.


Ayon sa ulat, lumabas ng bahay ang biktima para sana bumili ng sigarilyo sa kalapit na tindahan. Makikita naman sa narekober na video kung paano siya pinatay nu’ng gabing iyon.


Batay dito, sinundan ni Zinampan si Valdez, kung saan mapapanood sa video ang itinatagong baril sa likuran. Mangyari’y ikinasa nito ang baril saka sinabunutan ang biktima.


"Nu’ng pagkasabunot po kay auntie, sabi po, 'Sir,' wag n'yo naman po akong sabunutan'... Pagkasabunot kay auntie, binaril po kaagad siya," salaysay pa ni Joanne Luceño, kaanak ng biktima at nakakita sa insidente.


Makikita rin sa video na may mga bata sa paligid nu’ng gabing iyon.


Paliwanag naman ng anak ng biktima na si Beverly Luceño, dati na nilang nakaalitan si Zinampan.


Kuwento ni Luceño, nitong May 1 ay nakasuntukan umano ng anak ni Valdez at ng asawa nito ang suspek. Pinagbantaan na rin umano ng pulis ang biktima.


Samantala, itinanggi naman ni Zinampan ang akusasyon at ang ginawang pagpatay sa kabila ng lumabas na video. Sa ngayon ay hawak na ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek upang harapin ang kasong murder.


Narekober na rin ng mga awtoridad ang baril na ginamit nito sa pagpatay.


Kaugnay nito, kabilang si Zinampan sa mga nag-post nu’ng kasagsagan ng isyu sa pamamaril ng pulis na si Jonel Nuezca sa mag-inang Gregorio, kung saan mababasa sa Facebook post ni Zinampan na hindi lahat ng pulis ay masama at isa aniya siya sa mabubuting pulis.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page