ni ATD - @Sports | November 17, 2020
Kahit namiminsala pa rin sa Pilipinas ang coronavirus (COVID-19) ay hindi naman huhupa ang init ng banatan sa Philippine Cup.
Kumpleto na ang casts ng semifinals, apat na teams na lang ang natitira sa PBA bubble sa Clark, Pampanga dahil pinauwi na ang mga naligwak na koponan sa eliminations at sa quarterfinals.
Bukas ang simula ng semis kung saan maghaharap ang No. 2 seed Phoenix FuelMasters at No. 3 na TNT Tropang Giga sa alas-3:45 ng hapon.
Makakaharap naman ng Meralco Bolts ang eliminations topnotcher Barangay Ginebra Gin Kings sa ala-6:45 ng gabi.
Best-of-five ang serye kung saan maglalaban sa championship round ang dalawang teams na mananalo sa semis.
Kaya naman kahit konti na lang sila sa bubble ay mainit pa rin ang bakbakan, pero patuloy pa rin na ipatutupad ang health protocols upang hindi makapitan ng COVID-19.
Bahagyang nahirapan ang Bolts bago pumasok sa semis dahil kinailangan nilang talunin ng dalawang beses ang No. 4 na San Miguel Beer na may tangan na incentives.
Dikdikan ang laban sa unang paghaharap kung saan tinalo ng Meralco ang SMB, 78-71 pero nakakuha ng momentum ang Bolts at tinambakan nila sa Game 2 ang Beermen, 90-68 noong Linggo ng gabi. "Tonight was really a focus on defense," saad ni Black pagkatapos nilang manalo. "We knew what we wanted to do defensively. We knew that they were a team that posted up a majority of the time so we tried to devise schemes that would try to slow down their post-up (threat), Mo Tautuaa, and their guards."
Pinatalsik ng Bolts sa trono ang Beermen kaya tiyak na mapapalaban sila ng todo sa Gin Kings na sister team ng San Miguel Beer.
Aminado si Black na hindi pa tapos ang laban, mas mabagsik ang kanilang makakaharap kaya kailangan nilang maghanda ng todo para makamit ang inaasam na titulo. "Now I have to regroup them because the job is not finished. It's only the semifinals," ani Black. "Now I'm gonna put our sights on the finals."
Para sa Tropang Giga, FuelMasters at Gin Kings na may mga hawak na twice-to-beat advantage, dinispatsa nila ang kanilang kalaban sa isang laro lang.
Inaasahan din na bakbakang umaatikabo sa pagitan ng Tropang Giga at FuelMasters dahil maghaharap sina Bobby Ray Parks Jr. at Calvin "The Beast" Abueva.
Maaalalang nagkaroon ng alitan ang dalawa bago nasuspendi si Abueva noong 2019, nakaraan lamang ay umugong na nagkaayos na sila. Isa sa pambato ng TNT si Parks Jr. habang huhugot ng lakas ang FuelMasters kay Abueva.
Samantala, ipinapaalala pa rin sa mga nasa bubble na palaging isuot ang kanilang face mask upang manatili ang kanilang kaligtasan laban sa COVID-19.
תגובות