ni Anthony E. Servinio @Sports | May 1, 2023
Maghanda na para sa Italya, Dominican Republic at Angola! Nabunot ang Pilipinas kasama ang tatlong nabanggit na bansa sa Grupo A sa matagumpay na pagwawakas ng 2023 FIBA World Cup Draw Sabado ng gabi sa Araneta Coliseum.
Matapos ang seremonya ay nagpahayag si Gilas Pilipinas Coach Chot Reyes na may linaw na ang kanilang paghahanda at ang resulta ang gagabay sa pagpili ng 12 manlalaro. Subalit hindi lang ang makakalaro ng Gilas ang binantayan niya kundi pati rin ang mga kapwa-Asyano dahil ang may pinakamataas na kartada ang kakatawan sa kontinente sa Paris 2024 Olympics.
“Ang Italya ay numero 10, ang Dominican Republic ay numero 23 at halos tabla tayo sa Angola sa numero 41 sa FIBA Ranking,” paliwanag ni Coach Reyes. Pagkatapos ng Southeast Asian Games ay magiging mas masinsinan ang ensayo at magtatakda ng mga laro sa mga kalidad na koponan.
Pamilyar ang Gilas sa makakalaro. Noong 2019 World Cup sa Tsina ay natalo ang mga Filipino sa Italya, 62-108 at Angola sa overtime, 81-84.
Inaasahan sina NBA Rookie of the Year Paolo Banchero ng Orlando Magic at Simone Fontecchio ng Utah Jazz na maglaro sa Italya. Nagpahayag ng nais si Karl Anthony Towns ng Minnesota Timberwolves na katawanin ang Dominican Republic habang may kasalukuyang NBA player ang Angola na si Bruno Fernando ng Atlanta Hawks.
Ang Team USA na bubuin ng 12 NBA superstar ay maglalaro sa Grupo C kasama ang Jordan, Gresya at New Zealand. Aabangan din ng mga Pinoy ang aksiyon sa Grupo B na Timog Sudan, Serbia, Tsina at Puerto Rico.
Sa Okinawa, Japan gaganapin ang Grupo D na Ehipto, Mexico, Montenegro at Lithuania at Grupo E na Alemanya, Finland, Australia at co-host Japan. Sa Jakarta, Indonesia ang Grupo G na defending champion Espanya, Iran, Cote D’Ivoire at Brazil at Grupo H na Canada, Latvia, Lebanon at Pransiya.
Commentaires