top of page

Gilagid dumudugo habang nagtatalumpati... PBBM, walang sakit — Palasyo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 2 min read

ni Mylene Alfonso @News | Apr. 12, 2025



File Photo: Atty. Claire Castro at PBBM / PCO / Bongbong Marcos / FB



Nilinaw ng Malacañang na maganda ang estado ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


Ito ay sa gitna ng mga espekulasyon hinggil sa health status ng Presidente na lumalabas sa social media.


Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, maayos ang kalusugan ng Pangulo at bilang patunay ang araw-araw na dinadaluhan nitong mga aktibidad.


Nasasaksihan naman aniya ng publiko lalo na ng mga kagawad ng media na nakatalaga sa Palasyo kung saan bukod sa ilang aktibidad ay mayroon pa itong mga meeting habang sumasama pa ang Chief Executive sa campaign rally ng Alyansa.


"Kung makikita n'yo po, 'yan naman po ay talagang pinapakalat – siguro para palabasin na ang Pangulo ay hindi maganda ang kalusugan, not in good health. Mapapansin n'yo po, siguro po kahit po 'yung mga media, halos araw-araw naman po ay nakikita n'yo ang Pangulo sa kanyang mga activities at sa kanyang pagsama dito sa Alyansa," pahayag ni Castro sa press briefing sa Palasyo.


"Maliban d'yan ay mayroon pa rin po siyang mga meeting kasama po kami, at sa aking perspektibo dahil nakakasama tayo mismo ng Pangulo, maganda po ang kalusugan ng ating Pangulo dahil kung hindi po maganda ang kalusugan ng ating Pangulo, malamang ay hindi na po siya nakakaganap ng kanyang mga tungkulin sa araw-araw," wika pa niya.


Mensahe naman ni Castro sa fake news peddlers, huwag gawan ng kuwento ang Pangulo ukol sa kanyang kalusugan gayung hindi ito makabubuti sa bansa.


"At ang aking pakiusap lamang po sa mga fake news peddlers, huwag n'yo pong gawan ng kuwento ang Pangulo patungkol sa kanyang kalusugan. Hindi po 'yan maganda para sa ating bansa, dapat po ipagdasal pa po natin na maging maganda ang kalusugan ng mga namumuno sa atin. At iwasan po nila na magbigay ng speculation; kahit hindi po doktor ay nagpapakadoktor sa social media," hirit ni Castro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page