top of page
Search
  • BULGAR

Giannis, nagpakawala ng 40 pts, matibay si Young sa 33 puntos

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 03, 2021




Sumaksak para sa nagpapanalong 2 puntos si Giannis Antetokounmpo na may 2 segundo sa orasan at ihatid ang 127-125 tagumpay ng World Champion Milwaukee Bucks laban sa bisitang Charlotte Hornets sa NBA kahapon mula sa Fiserv Forum.


Kasama ang ibang resulta, lalong humigpit ang karera sa Eastern Conference at naglikha ng tabla sa pagitan ng Bucks, Washington Wizards at nagpapahingang Chicago Bulls para sa pangalawang puwesto sa kartadang 14-8 at lumapit sa numero unong Brooklyn Nets na 15-6.


Nagtapos si Giannis na may 40 puntos, 12 rebound at siyam na assist at mabitin sa inaasam na triple double. Ito na rin ang ika-walong sunod na panalo ng Bucks na bago noon ay lugmok sa 6-8 at umusbong ang tanong kung makakaulit sila bilang kampeon.


Sumabay sa tagumpay ang Washington Wizards kontra sa bisitang Minnesota Timberwolves, 115-107, sa likod ng 27 puntos ni Montrezl Harrell at 19 puntos ni Bradley Beal.


Kung ihahambing noong 2020 anim lang ang panalo ng Wizards sa unang 22 laro.


Hindi nakasosyo ang Miami Heat sa 14-8 at tinambakan sila ng Cleveland Cavaliers, 111-85, tampok ang mga double-double nina Jarrett Allen na 19 puntos at 11 rebound rookie Evan Mobley na 17 puntos at 11 rebound upang suportahan ang 22 puntos ni Kevin Love. Umangat ang Cavs sa 12-10 at hinila pababa ang Heat sa 13-9.


Patuloy ang pagbangon ng Houston Rockets at tinalo muli ang Oklahoma City Thunder, 114-110, para sa ika-apat na sunod na panalo. Gumawa ng 32 puntos at 10 rebound si Jae’Sean Tate. Matibay ang loob ni Trae Young upang ipanalo ang Atlanta Hawks laban sa Indiana Pacers, 114-111. Nagtapos si Young na may 33 puntos.


Bumida si Luka Doncic sa 139-107 pagdurog ng Dallas Mavericks sa New Orleans Pelicans. Nakamit ng Orlando Magic ang ika-limang panalo ng taon kontra sa Denver Nuggets, 108-103.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page