ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 11, 2024

Nalipat na sa kasintahan ni Carlos Yulo ang limelight dahil siya na ngayon ang pinupulutan ng mga netizens. Imbes daw kasi manahimik itong si Chloe San Jose ay sumasawsaw na rin sa isyu ng mag-ina na hindi naman dapat.
Naipagkumpara tuloy si Carlos at ang dating senador at world boxing champion ng ilang dibisyon na si Manny Pacquiao.
Ito ang obserbasyon ng teacher, traveller at dating make-up artist na si Princess Aubrey, “I couldn’t stand this anymore. Noong si Manny Pacquiao, lumalaban para sa bansa, ang nanay niya ang 'andu’n sa audience, nakaupo at todo-dasal na may rosaryo at anik-anik pang dala at taimtim na nagdarasal, may paturu-turo at bulung-bulong pa. Nagka-meme (funny photo) pa nga, ‘di ba?
“At tuwing nananalo si Pacquiao, si Jinkee na asawa n’ya ay nasa gilid lang, tahimik at higit sa lahat, hindi sumasama sa interbyu. Ang katabi ni Pacquiao lagi is ‘yung coach n’ya or s’ya lang.
“Maririnig mo lang si Jinkee magsalita unless s’ya ang tutukan ng mic. Pero ikaw, Chloe, you’re everywhere. Lalo na nu’ng unang gumawa ng explanation video si Caloy and you’re behind him, hugging him from behind and nakalagay pa baba mo sa balikat. Like 'teh? Okey ka lang?
“At first, natutuwa ako kasi may isang Chloe na nakatodo-support kay Caloy. Kasi iba pa rin nabibigay na saya at pagmamahal ng isang girlfriend at ng isang ina.
“Kaso ang toxic mo na. Maiintindihan ko pa ang nanay n’ya na magpainterbyu. Pero ikaw? 'Teh, daig mo pa PR MANAGER, COACH, NANAY AT PAMILYA ni Caloy.
"Congrats Chloe, you’re getting the fame and attention you want,” pahayag ng netizen na si Aubrey kay Chloe.
Sumagot ang girlfriend ni Carlos at hindi naman daw siya nagpapainterbyu.
“Hindi ka nga nagpapa-interview pero lagi ka nasa tabi ni Caloy. I don’t know and I haven’t visited any of your socmed (social media) accounts. But I can see you everywhere.
“We don’t want you, we want Carlos! Tagos!
“Lakas mo mang-gaslight, 'teh. I don’t and never kitang hinusgahan based sa kulay ng buhok and the way you dress nor judge you na gold digger ka like what others do.
“Hindi kita kilala. And only you know how pure your love and intention kay Carlos. I’m happy for Caloy that he is happy you are with him. But you could’ve done better by not adding fuel to fire between Carlos and his mom’s misunderstanding.
“‘Yun lang and pati pagsama mo sa lahat ng official interviews n’ya (Carlos). So, just my 5 pesos na!” pahayag ulit ni Princess Aubrey.
Marami namang nag-agree sa obserbasyon na ito ng netizen.
Samantala, sa nalalapit na pagdating ni Carlos sa Martes, August 13, ay kaliwa’t kanan ang mga banners na nakakabit sa mga dadaanan nito pag-alis ng NAIA. Pinaghandaan din ito sa Malate, Manila kung saan nakatira si Caloy, at sa Aurora A. Quezon Elementary School, kung saan nag-aral ang ating double gold medalist sa nakaraang Paris 2024 Olympics.
Sarap hambalusin ng dos-por-dos… TV REPORTER, NANG-HARASS NG 5 CO-WORKERS, KINASUHAN, TSUGI SA NETWORK

BLIND ITEM:
Sa isang showbiz event ay may kani-kanyang kuwento ng mga horror stories na may kinalaman sa sexual harassment, dahil nga mainit na pinag-uusapan ngayon ang kaso ni Sandro Muhlach laban sa dalawang gay independent contractors ng GMA-7.
May mga ganitong kaso rin sa network na ang iba ay hindi na lang daw kumikibo para hindi ma-drag ang pangalan nila kasama na ang pamilya.
May iba namang isine-settle privately na hindi na nalalaman pa ng media o ng publiko para hindi na mapag-usapan pa.
May dalawang taon na ang nakararaan, isa sa mga hinahangaan naming TV reporter ng network ang biglang nawala na at hindi na namin napapanood. Ang nakarating sa amin ay nang-harass daw ito ng limang kasamahan sa trabaho.
In fairness, inside info lang ang lahat at hindi naman ito pumutok sa news dahil ang tatlo sa lima ay nanahimik sa takot na malaman ng family nila, pero ang dalawa ay umalma kaya sa pagkakaalam namin ay may kaso ito ngayon.
Kaya namin ito nasulat ngayon ay hindi kami makapaniwala na ang tinitingala naming personalidad at masasabing maganda ang kredibilidad pagdating sa paghahatid ng balita ay may itinatagong ugali pala.
Kaya nang marinig namin ang kuwentong ito sa mismong bibig ng isa sa dalawang nagreklamo na ginawan ng hindi maganda ng hinahangaan naming TV reporter ay gulat na gulat kami at tanong namin sa aming isipan, "Nagawa niya ‘yun? Bakit niya sinira ang pangalan niya?"
May isa pang ongoing case raw ngayon tungkol naman sa baguhang writer-reporter sa isang TV network na ganito rin ang ginawa ng supervisor niya na may ipinainom at nakatulog ang bagets na bagong graduate.
Awang-awa kami sa bagets na apat na taong itinaguyod ng magulang na isang OFW para matupad ang pangarap nitong maging journalist pero nasira.
Sa kasalukuyan ay may trauma ang bagets at hindi na pumapasok dahil ayaw niyang makita ang taong gumawa ng hindi maganda sa kanya na balitang super-lakas sa management.
Nakakadurog ng puso!
Comments