KATANUNGAN
Noong huling usap namin ng girlfriend ko, napapayag ko na siyang magpakasal ngayong taon, pero nagka-COVID kaya pinostpone na lang namin. Kaya lang, sinabi niya na bago namin ayusin ang kasal, may ipagtatapat muna siya. Lumipas ang ilang araw, sinabi niyang hindi na siya virgin dahil ang nakauna sa kanya ay ‘yung first boyfriend niya noong high school pa sila.
Nang malaman ko ‘yun, parang nalungkot ako at nawalan ng gana dahil kahit minsan, hindi ko inisip na may nakauna na pala sa kanya dahil ang tingin ko ay conservative siya tulad ko.
Sa ngayon, nagdadalawang-isip ako kung dapat pa bang ituloy ang aming pagpapakasal o maghanap na lang ako ng ibang babae na wala pang karanasan. Siyempre, bilang lalaki, gusto ko rin na ang babaeng ihaharap ko sa altar ay malinis at ako pa lang ang makakauna.
Sa palagay n’yo, dapat na ba akong makipag-break sa kanya dahil naguguluhan ako kahit alam kong nagmamahalan naman kami?
KASAGUTAN
Kung mahal mo pa rin ang isang tao at ganundin siya sa iyo, ‘wag kang makikipag-break sa kanya dahil lamang sa isyu ng virginity. Sa totoo lang, wala kang magagawa kung virgin pa ang isang babae o hindi dahil sa usaping takdang kapalaran, sapagkat sa kasalukuyan ay hindi na ikaw ang may hawak ng iyong tadhana kundi ang nakatakdang kapalaran.
Ang medyo parang may island o bilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad ay nagsasabing maliit na kabiguan sa pag-ibig na sanhi o dahil ang nakatakda mong mapangasawa ay babaeng may nakaraan na o hindi mo gustung-gusto kung saan ang pag-aanalisang nabanggit ay madali namang kinumpirma ng hindi rin magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ang pagiging medyo maikli na parang baluktot at parang nagdodoble, na parang magulo (arrow b.) ang nasabing Marriage Line (1-M arrow b.) tulad ng naipaliwanag na sa itaas, nakatakda kasi sa kapalaran mo ang makapag-asawa ng babaeng hindi na virgin, may nakaraan o tulad ng nasabi na ay hindi mo gustung-gusto.
MGA DAPAT GAWIN
Sa panahon ngayong liberated na ang mundo at moderno na ang lahat ng bagay, maaaring masabi na hindi na uso ang virgin ngayon, pero siyempre, nasa iyo pa rin kung mas ibig mong pakasalan ang babaeng inosente at wala pang karanasan.
Subalit hindi rin maiaalis ang katotohanang ang isang successful at maligayang pagpapamilya ay hindi naman nakabatay sa virginity ng babae o kung virgin o hindi ang napangasawa mo. Sa halip, ang isang maligaya at maunlad na pamilya ay nakabatay pa rin sa tapat na pag-iibigan, kooperasyon at pag-uunawaan ng mag-asawa.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Jeremy, tuluy-tuloy na ang magaganap at wala nang atrasan dahil sa ayaw o gusto mo, sa 2021, matutuloy na ang inyong kasal dahil higit na mananaig sa iyong pagpapasya ang nakatakdang kapalaran at ang tunay na pagmamahalan n’yo sa isa’t isa.
Tulad ng nasabi na at ang nakatakdang kapalaran ay simple lang, ang kasalukuyan mong girlfriend ang iyong mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).
Comments