ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 16, 2021
Dinaig nina Joshua “The Killer” Filler at Christof Reintjes ng Germany ang pambato ng punong-abala na sina Darren Appleton at Karl Boyes sa isang nail-biter na salpukan sa finals, 11-7, upang makopo ang kampeonato ng 2021 World Cup of Pool sa Stadium MK ng Milton Keynes sa England.
Ito na ang pangalawang tropeo ng mga Aleman sa kasaysayan ng prestihiyosong pagtitipon ng mga pinakamalulupit na tambalan ng bilyarista sa buong mundo. Taong 2011 nang mamayagpag para sa Germany sina Ralf Suoquet at Thorsten Hohmann, Ang tagumpay ay nagkakahalaga ng $60,000 samantalang $30,000 ang ibinulsa ng mga Briton na minsan na ring nagkampeon sa torneo (2014). Tatlo ang naging kinatawan ng Great Britain bilang host sa sagupaan at maagang namaalam ang unang dalawang koponan. Ang Great Britain "C" nina Appleton at Boyes ay last minute replacement sa biglang nawala sa eksenang kalahok mula sa Canada.
Nagsosyo sa pangatlo at pang-apat na puwesto ang mga natalong semifinalist na Slovakia (bokya sa Great Britain "C", 0-9) at Estonia (tinalo ng Germany, 7-9). Tumanggap din ang mga kinatawan nito ng tig-$15,000 na pabuya sa kaganapang umakit ng 32 mga kinatawan mula sa iba't-ibang parte ng mundo.
Nakuntento ang Pilipinas, runner-up noong 2019, sa pakikipaghatian sa panglima hanggang pangwalong posisyon matapos na mahinto sa quarterfinals ang paglalakbay. Halagang $9,000 ang pakonswelo kina Roberto "Superman" Gomez at Jeffrey "The Bull" De Luna na nagmarka sa kompetisyon matapos makabangon sa 0-5 na hukay upang patalsikin ang USA sa iskor na 7-5. Bukod dito, nakapuntos din ang mga Pinoy sa Great Birtain "B" sa iskor na 7-3. Kagaya ng Pilipinas, na tatlong beses nang nagkampeon sa torneo (2006, 2009, 2013), hanggang final 8 din lang ang inabot ng Netherlands, Denmark at kapwa Asyanong Japan.
Comments