top of page
Search

German Schroder at 5 pa golden players ng FIBA

BULGAR

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 12, 2023



Ibinaba na ang telon sa matagumpay na 2023 FIBA World Cup. Tatatak sa isipan ang ginintuang pagwalis ng Alemanya ng lahat ng kanilang walong laro patungo sa kanilang unang kampeonato na tinuldukan ng 87-83 panalo laban sa Serbia noong Linggo ng gabi sa harap ng mahigit 12,000 tagahanga sa Mall of Asia Arena.


Ipinamalas ni Dennis Schroder kung bakit siya ang nahirang na Most Valuable Player ng torneo at ipinasok ang huling 5 puntos ng mga Aleman at puksain ang banta ng mga Serb. Tuluyan siyang nagtapos na may 28 puntos habang may 19 ang galing kay Franz Wagner.


Kasama rin si Schroder sa All-Star Five na sina Bogdan Bogdanovich ng Serbia, Shai Gilgeous-Alexander ng Third Place Canada, Anthony Edwards ng U.S. at Luka Doncic ng Slovenia. Nasa All-Second Team sina Wagner, Arturs Zagars ng Latvia, Simone Fontecchio ng Italya, Jonas Valanciunas ng Lithuania at Nikola Milutinov ng Serbia.


Napiling Best Defensive Player si Dillon Brooks ng Canada, ang masasabing paboritong kontrabida ng torneo ayon sa dami ng kantiyaw na tinanggap niya sa mga manonood.



Kahit kinilala sa depensa, bumuhos ng 39 puntos si Brooks sa 127-118 na double overtime na panalo ng Canada sa Team USA at makuha ang pinakamataas nilang puwesto sa World Cup na pangatlo.


Si Josh Giddey ng Australia ang tumanggap ng unang Rising Star Award para sa mga ipinanganak mula 2002 pataas. Kinilala si Coach Luca Banchi bilang Best Coach matapos niyang gabayin ang Latvia sa ika-5 puwesto sa kanilang pinakaunang World Cup.


Samantala, inilipat na ng Pilipinas kasama ang Japan at Indonesia sa Qatar ang karapatan na maging host ng susunod na World Cup sa 2027. Ito na ang pangatlong sunod na World Cup na gaganapin sa Asya kasama ang Tsina noong 2019.


Kahit nagtapos sa ika-24 sa 32 kalahok ang Gilas Pilipinas, pinatunayan ng mga Filipino ang kanilang husay na magsilbing host ng isang malaking pandaigdigang palaro. Hindi malayo na mapili muli ang Pilipinas para sa ibang mga torneo ng FIBA sa hinaharap.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page